Pondo para sa Covid-19 vaccine sa ilalim ng 2021 badyet, kinaltasan nang halos P10-B

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Kinaltasan ang pondo para sa Covid-19 vaccines nang tinatayang nasa P10 bilyon sa ilalim ng ipinapanukalang 2021 budget, matapos alisin ng Kongreso noong Miyerkules ang amendment na layong taasan ang orihinal na alokasyon na P2.5 bilyon para sa pagbili ng gamot.

Unang inaprubahan naman ng Senado at Kamara ang sumusunod na breakdown para sa pagbili, storage, at distribusyon ng mga bakuna kontra Covid-19:

  • P8 bilyon sa ilalim ng Department of Health (sa ilalim ng Office of the Secretary)
  • P54 bilyon sa ilalim ng unprogrammed appropriations para sa mga bakuna
  • P21 billion sa ilalim ng unprogrammed appropriations para sa storage, transportation at distribution costs ng mga bakuna

Subalit, nang magtapos ang bicameral deliberations ng 2021 budget noong Disyembre 9, ibinalik ang programmed funding para sa mga bakuna sa halagang P2.5 bilyon, ang orihinal na proposal ng executive department bago isulong ng Kamara na taasan ito nang P5.5 bilyon.

“Under the budget for 2021 there is P72.5 billion total for vaccines while under Bayanihan 2 there is P10 billion so total of P82.5 billion once budget is passed into law,” ani Senate Committee on Finance chair Sen. Sonny Angara.

Nang tanungun kung bakit ang malaking bahagi ng Covid-19 vaccine fund ng bansa ay isinailalim sa unprogrammed allocations, sinabi ni Angara na “tiniyak” ng Department of Finance (DOF) sa mga mambabatas na popondohan ang item sa susunod na taon.

Sa ilalim ng batas, ang pondo para sa unprogrammed items sa badyet ay nailalabas lamang kapag nahigitan ng pamahalaan ang target collection ng non-tax revenues.

“Ang akala kasi ng iba ‘pag unprogrammed hindi siya mapopondohan. That’s not true. The probability of funding it is large,” wika ni Angara.

Dagdag pa ng senador, “What’s important is funding is there and can be accessed and in the case of unprogrammed funds the triggers for release is exceeding non-tax revenues which has been done in past years and is very, very likely for 2021.”

Unang inihayag naman ng Malacañang na bibigyan nitong prayoridad ang 24.6 milyong Pilipino kontra Covid-19, tulad ng frontliners at bulnerableng sektor.

LATEST

LATEST

TRENDING