Duque: Walang Covid-19 lockdown maliban kung may spike sa mga kaso

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Health Secretary Francisco Duque III

Inihayag ng Department of Health (DOH) noong Biyernes na walang mangyayaring adjustment sa umiiral na general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila maliban na lamang kung mag-spike ang Covid-19 cases.

Pinabulaanan ni Health Secretary Francisco Duque III ang mga agam-agam na magpapatupad aniya ang pamahalaan ng striktong lockdown bago sumapit ang Pasko.

Aniya, “Hindi mababago. Nasa GCQ pa rin tayo, walang katotohanan ‘yung mga balita na mag-e-ECQ or MECQ ngayong Kapaskuhan. Sabi nga nila December 23 daw, walang katotohanan iyan.

Subalit, idiniin ng kalihim na posible pa ring ipatupad ang mahigpit na lockdown kung biglang aakyat ang Covid-19 cases.

“Unless na may biglang sipa ng kaso, mag rerekomenda ulit ang [Inter-Agency Task Force] sa Pangulo,” dagdag pa ni Duque.

Nagbabala ang gobyerno laban sa mga kumakalat na tsismis na ipatutupad umano ang lockdown simula Disyembre 23 hanggang Enero 3 sa susunod na taon.

Kasalukuyang nananatili ang Metro Manila sa GCQ hanggang Disyembre 31, kung saan pinahintulutan nang mag-operate nang full capacity ang mga negosyo.

Samantala, nagbabala rin si Duque laban sa paggamit ng “torotot” o iba pang kaparehong pampaingay dahil posible itong makapagpalaganap ng Covid-19 infection.

“Ipagbabawal namin ‘yan dahil makakatulong ‘yan sa pagkalat ng virus lalo na kapag may asymptomatic, baka pagmulan pa ng pagtaas ng kaso kaya iwasan na natin,” wika ni Duque.

Dagdag pa nito, “Nakapagsakripsyo na tayo ng 9 na buwan. Hintay-hintayin na lang natin hanggang dumating ang bakuna. Huwag tayong susugal sa panandaliang kaligayahan.”

Ang bakuna kontra Covid-19 ay maaaring maging available sa bansa sa una o ikalawang quarter ng 2021, sabi naman ng kalihim.

Aniya, “Best case scenario baka mga March, towards the end o the first quarter of 2021, o mga second quarter na mga April. Sa ngayon yun global supply ‘di pa akma sa demand. Patuloy ang paglilikha ng bakuna ng mga naturang vaccine manufacturing companies.”

LATEST

LATEST

TRENDING