Palasyo, tiniyak ang maingat na review at maagang pagpapasa ng 2021 badyet

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Presidential Spokesperson Harry Roque

Bagama’t hindi pa ito nakatatanggap ng opisyal na ulat mula sa Kongreso, nangako ang Malacañang na agarang ire-review ang ₱4.5-trilyong national budget para sa 2021.

“[A]ng bibigyan po natin ng kasiguraduhan eh bibilisan naman po ng Palasyo ang pagsusuri sa budget para malaman kung meron mga specific lined item na iv-veto ang Presidente,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque sa kanyang regular na virtual briefing habang binanggit din na hinihintay pa ng Palasyo ang makatanggap ng kopya ng badyet.

Ipinangako naman ni Roque ang agarang pagbusisi sa nasabing report upang matiyak na may panibagong badyet pagsapit ng Enero 1.

Noong 2019, nag-veto si Pangulong Rodrigo Duterte ng mahigit ₱95 bilyong halaga ng items sa na-delay na ₱3.757 trilyong national budget. Ayon sa Palasyo, kasama sa items ang ₱75 bilyong halaga ng projects at programs sa ilalim ng Department of Public Works and Highways, sapagkat wala sila sa prayoridad ng administrasyon noon.

Ang pondo ng DPWH, na ikalawang pinakamalaking badyet ngayong 2021, ay pinuna naman ni Sen. Panfilo Lacson. Kinuwestyon ng senador ang pagtaas sa badyet ng ahensya bagama’t mayroon itong hindi magandang disbursement record.

Niratipikahan na ng Kongreso ang bicameral conference committee report ng proposed 2021 budget noong Miyerkules, isang linggo matapos mag-umpisa ang deliberasyon. Hinihintay na lamang nito ang pirma ni Senate President Tito Sotto bago isumite sa Malacañang.

Ayon kay Sotto, posibleng pirmahan niya ito sa Lunes.

Kabilang sa ₱4.5-trilyong 2021 national budget ang pondo para sa Covid-19 response at calamity fund, tulad ng inilaang ₱72.5 bilyon para sa procurement ng Covid-19 vaccines.

LATEST

LATEST

TRENDING