Toll fees, tinanggal sa NLEx gates sa Valenzuela City

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Larawan mula sa: Valenzuela City Facebook page

Tinanggal ang paniningil ng toll fees sa NLEx toll gates sa Valenzuela City matapos suspendehin ni Valenzuela Mayor Rex Gatchalian ang business permit ng kumpanya dahil sa kapabayaan nitong ayusin ang Radio-Frequency Identification system nito na nagdulot ng matinding trapiko sa lungsod.

Inihain ng alkalde ang suspension order noong Lunes, lagpas ng 5 P.M., ang deadline na itinakda para sa North Luzon Expressway Corporation na mag-comply sa mga kondisyon upang ayusin ang mga sira nitong RFID sensors sa tollways.

Dahil sa suspensyon ng business permit, hindi makakapagkolekta ang NLEx ng toll fees sa alinmang toll booths sa loob ng Valenzuela hanggang ayusin ng kumpanya ang “abysmal” na kalagayan ng RFID system nito.

Sa kautusuan, sinabi ni Gatchalian na nakaranas ng mabigat na daloy ng trapiko ang Valenzuela simula nang ipatupad ang cashless toll collection system noong Disyembre 1. Hindi natupad ng NLEx ang deadline noong Lunes na magpresenta ng konkretong mga solusyon.

Ayon kay Gatchalian noong Martes, aalisin lamang nila ang suspensyon kapag inayos na ng NLEx ang mga pagkukulang nito.

Aniya, “[NLEx] says they will try to schedule a meeting at the soonest possible time so we can move forward.”

“The ball is now in their court,” giit ng alkalde.

Dagdag pa nto, “It won’t be the perfect situation but it will be a whole lot better.”

Noong Disyembre 4, nagsampa ng reklamo ang alkalde laban sa NLEx at nagbantang susupendehin ang business permit nito sa lungsod hanggang sumunod ito sa hiling ng LGU na magbigay ng konkretong lunas para tugunan ang malalang trapiko sa lungsod.

Hindi naman nakuntento si Gatchalian sa naging tugon ni NLEx president at general manager Luigi Bautista sa isinumite nitong letter of response noong Disyembre 5 sapagkat kulang aniya ito ng mga konkretong hakbang.

Kinilala naman ng NLEx ang mga isyu sa trapiko bunsod ng kanilang tollway system at nangakong “gagawin ang lahat” para ayusin ang operasyon nito.

Umapela rin ito na bigyan ng 15 days para rumesponde sa reklamo, bagay na tinanggihan naman ni Gatchalian.

LATEST

LATEST

TRENDING