Malacañang: 24.6-M Pinoy, bibigyang prayoridad sa Covid-19 vaccination

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Tinatayang nasa 24.6 milyong Pilipino ang nasa priority list ng pamahalaan para sa initial vaccination drive nito kontra Covid-19, giit ng Malacañang noong Lunes, taliwas sa datos na unang inanunsyo naman ng isang opisyal.

Ang mga lugar na may matataas na Covid-19 cases tulad ng Metro Manila, Metro Cebu at Davao ay “geographical priorities” para sa vaccination, giit ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

 Sa mga areas na ito, 24,668,128 ang “sectoral priorities” na kinabibilangan ng:

  • 1,762,994 frontline health workers
  • 3,789,874 indigent senior citizens 
  • 5,678,544 remaining senior citizens
  • 12,911,193 remaining indigent population 
  • 525,523 uniformed personnel 

Sila ay kumakatawan sa mahigit 22 percent ng projected population ng bansa na 108.8 milyon, batay sa ikatlong quarter ngayong taon.

Ang datos na ito ay taliwas sa ibinigay ni vaccine czar Secretary Carlito Galves Jr., na sinabi noong una na 35 milyong Pilipino ang laman ng priority list.

Ang datos na isinapubliko ni Roque ay kapareho ng iniulat ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) sa Kamara noong nakaraang buwan.

Base sa listahang ibinahagi ni Dr. Aleli Annie Sudiacal ng DOH Bureau of International Health Cooperation sa House Committee on People’s Participation, ang mga guro at school workers sa pampubliko at pribadong sektor ay ika-anim sa priority list, na sinundan naman ng:

– Ika-7: lahat ng natitirang government workers
– Ika-8: “essential workers” sa agriculture, food industry, transportation at tourism
– Ika-9: sociodemographic groups sa higher risk areas kumpara sa senior citizens at indigent population (persons deprived of liberty, persons with disabilities, at mga Pilipinong nasa high-density areas)
– Ika-10: overseas Filipino workers
– Ika-11: iba pang manggagawa
– Ika-12: mga mag-aaral

Noong nakaraang linggo, pinahintulutan naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang emergency use ng mga vaccines at gamot kontra Covid-19, sampung buwan simula nang manalasa ang Covid-19 pandemic sa bansa.

LATEST