Valenzuela mayor, hindi nakuntento sa tugon ng NLEX tungkol sa isyu sa trapik

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Kuha ni: Michael Varcas (The STAR)

Sinabi ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian noong Sabado na natanggap na niya ang tugon ng NLEX Corporation sa kanyang panawagan para solusyunan ang trapik na idinudulot ng tollway system ng kumpanya. Subalit, iginiit ng alkalde na hindi ito sapat.

Sa Facebook, ipinost ni Gatchalian ang sulat na umano’y natanggap niya mula sa kumpanya, kung saan nakasaad ang apela ng NLEX na humihiling ng 15 days para makapagbuo ng action plan. Ito ay tinanggihan ng alkalde.

“The suffering Valenzuelano public can no longer wait for another 15 days as you requested,” pahayag ng Valenzuela mayor sa kanyang post.

Dagdag pa nito, “[T]his letter falls short of concrete action plans, solutions and fixes.”

Hindi sinabi ng alkalde kung ano ang mga susunod na hakbang subalit ibinahagi nito sa isang hiwalay na post ang kawalan ng paghingi ng paumanhin mula sa naging tugon ng NLEX.

Aniya, “I don’t know and I can be wrong, pero I don’t recall NLEX Corporation accepting its mistake and saying sorry. Kung meron man, conditional,” giit ng alkalde.

Dagdag pa nito, “Baka we can start that muna.”

Binanggit din nito na ang ilang kumpanya ay kadalasang nagbibigay ng concessions para mabayaran ang pinsalang idinulot hanggang magresolba ang mga isyu.

Samantala, idiniin naman ng Toll Regulatory Board (TRB) na kinakailangan ng NLEX na mag-comply sa nais ng local government unit (LGU) upang maipagpatuloy nito ang operasyon.

“Alam naman natin mas mahirap sa motorista ang mawalan ng access…dahil baka isara itong mga toll plaza na ‘yan,” ani TRB spokesperson Julius Corpuz.

Noong Biyernes, galit na nagreklamo si Gatchalian at nagbantang ipasususpinde ang business permit ng NLEX Corporation kaugnay ng malalang trapik na dulot ng toll booths. Inilarawan niya ito bilang “highway robbery” sapagkat nabayaran na aniya ng mga motorista ang RFID ng kumpanya na dapat ay magbibigay ng ligtas at cashless na transaksyon.

“Dapat highway ‘yan hindi garahe…daily ganyan kami,” pahayag ng alkalde sa isang tweet.

LATEST

LATEST