Roque: Pagpapabakuna ni PRRD ng Covid-19 vaccine, ‘di kailangang ipalabas sa TV

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Presidential Spokesperson Harry Roque

Nananatili pa rin ang alok ni Pangulong Rodrigo Duterte na unang magpabakuna kontra Covid-19, subalit sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang pagbabakuna ng pangulo ay hindi kailangang i-broadcast nang live upang mapawi ang agam-agam ng publiko.

Iginiit ni Roque na hinihintay ni Duterte ang bakunang maaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) para sa emergency use.

“Kung papayagan na ng FDA, I think mangunguna ang Presidente at nag-volunteer naman po siya. In fact gustong-gusto na niya,” ani Roque noong Lunes.

Gayunpaman, idiniin ni Roque na hindi ito kailangang ipakita sa TV, subalit nakadepende pa rin ito sa kagustuhan ng pangulo.

Aniya, “Ginawa mo namang spectacle ang Presidente, huwag naman siguro.”

Samantala, nangako naman sina dating US Presidents Barack Obama, George W. Bush, at Bill Clinton na magpakuha ng video habang binabakunahan ng Covid-19 vaccine para mapawi ang agam-agam ng publiko.

Sinabi naman ng Palasyo na maaaring unang magpabakuna ang mga opisyal ng pamahalaan tulad ng suhestyong inihain kay Health Secretary Francisco Duque III at vaccine czar Carlito Galvez Jr.

Nagsasagawa rin ng kampanya ang Department of Health (DOH) upang magpalaganap ng impormasyon para sugpuin ang mga kumokontra sa bakuna habang hinihintay ng bansa ang pagdating ng mga anti-coronavirus shots.

“Wala tayong dapat ikabahala para dito sa bakuna na ito… We know that there are a lot of anti-vaxxers at nagpapalabas na tayo unti-unti ng ating impormasyon,” wika naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang hiwalay na media briefing.

LATEST

LATEST

TRENDING