PNP findings sa paglabag nina Roque at Pacquiao sa Covid-19 protocols, ilalabas sa Lunes: DILG

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Presidential Spokesperson Harry Roque at Senador Manny Pacquiao
Larawan mula sa: Panay News

Inaasahang tatapusin na ng Philippine National Police (PNP) ang isinasagawa nitong imbestigasyon tungkol sa umano’y paglabag nina Presidential Spokesperson Harry Roque, Senador Manny Pacquiao, at iba pang mga opisyal sa pagbabawal ng mass gatherings, ayon sa isang opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG) noong Sabado.

“We expect that report on Monday,” ani DILG Undersecretary Jonathan Malaya.

Dagdag pa nito, “Then we will act based doon sa kalalabasan ng investigation ng PNP.”

“Ang lumabas kasi sa social media is there were some government officials, si spokesman Harry Roque, Senator Pacquiao and some others who were allegedly reported to have violated quarantine protocols set by the Department of Health,” paliwanag ni Malaya.

Naglipana online ang mga larawan ni Roque noong nakaraang linggo kung saan nagsalita ito sa harap ng maraming tao sa Bantayan Island sa Cebu province. Agarang pinuna ng mga netizens ang kawalan ng physical distancing sa naturang pagtitipon.

Sa ginanap na event, sinabi ni Roque sa mga tao na maaari nang hindi sundin ang one-meter distancing rule basta’t nakasuot ng face masks sa open-air venue. Subalit, ilang araw lamang matapos paulanan ng pambabatikos, iginiit ni Roque na natutunan na niya ang leksyon sa pagiging halimbawa sa pagsunod sa health protocols.

Samantala, kumalat din online ang mga larawan ni Pacquiao kung saan makikita itong namamahagi ng relief goods sa Batangas noong nakaraang linggo kung saan hindi rin aniya nasunod ang physical distancing.

Paulit-ulit naman ang naging babala ng Department of Health (DOH) tungkol sa matataong pagtitipon tulad ng Christmas parties at iba pang outreach programs na maaaring magdulot ng spike sa bilang ng Covid-19 cases.

Pinaalalahanan naman ni Malaya ang publiko na ipagpatuloy ang pagsunod sa minimum health standards upang maiwasan ang biglang pag-akyat ng Covid-19 cases ngayong panahon ng Kapaskuhan.

Aniya, “Lahat kailangan mag-cooperate kasi we have been on a downward trend for the past three months, and all we need to do is to sustain it over the Christmas (season).”

Ibinahagi rin ng opisyal na nagkaroon ng improvement sa contact-tracing capacity ng bansa sa tulong ng karagdagang 50,000 contact tracers na na-deploy kamakailan sa mga local government units. Bago ito, mayroon aniyang mahigit 100,000 contact tracers ang bansa.

“We have dramatically improved our contact-tracing capacity,” sabi ni Malaya.

Dagdag pa nito, “The reason why kapag may spike sa probinsya mabilis natin nakokontrol is because we have an army of contact tracers.”

LATEST

LATEST

TRENDING