
Nagbabalak ang Department of Budget and Management (DBM) na ipanukala ang ₱4.024-trilyong national budget para sa taong 2022, pahayag ni DBM Secretary Wendel Avisado noong Sabado.
“That is about 22.2% of GDP (gross domestic product),” ani Avisado sa “Laging Handa” public briefing.
Tiniyak ng kalihim na nagtatrabaho ang pamahalaan tungo sa pagbangon ng ekonomiyang naparalisa bunsod ng pananalasa ng Covid-19 pandemic.
Muling bumagsak ang ekonomiya ng bansa nang 11.5% sa ikatlong quarter dahil sa epekto ng pandemiya, batay sa datos ng gobyerno. Ito ay mas maliit kumpara sa 16.9% na pagliit ng ekonomiya na naitala naman noong ikalawang quarter.
Samantala, nakikita ng economic managers na liliit ang ekonomiya nang 8.5% hanggang 9.5% para sa kabuuan ng 2020.
Inaasahang lalagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa nalalapit na hinaharap ang ipinapanukalang ₱4.5-trilyong 2021 national budget, na naglalaman ng pondo para sa Covid-19 response at recovery.
Katatapos lamang ng Senado at Kamara sa isinagawang bicameral conference committee deliberations hinggil sa 2021 badyet. Posibleng ratipikahan naman ito ng Kongreso sa darating na Disyembre 9, at maaring pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Disyembre 28, ayon kay Senador Bong Go noong Sabado.