Universal access para sa ligtas at epektibong Covid-19 vaccines, ipinanawagan ni Duterte sa UN

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Pangulong Rodrigo Duterte

Ipinanawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa buong mundo ang pagkakaroon ng universal access para sa ligtas at epektibong Covid-19 vaccines at technologies.

Sa ginanap na special session ng United Nations (UN) General Assembly, binigyang diin ng pangulo noong Biyernes sa pamamagitan ng isang pre-recorded message, ang kahalagahan ng pinaigting na kooperasyon ng mga bansa pati na rin sa kani-kanilang mga nasasakupan upang labanan ang nakamamatay na Covid-19.

“Without the cure and a vaccine, we can only delay the spread of the disease while we open our economies,” giit ni Duterte.

Sinabi rin ng pangulo na mahihirapan ang mundo kung may mga bansang hindi makakukuha ng Covid-19 vaccines at technologies.

Aniya, “If any country is excluded, by reason of poverty or strategic unimportance, this gross justice will haunt the world for a long time. It will completely discredit the values upon which the United Nations was founded.”

Idiniin ng pangulo na ang “life-saving services and products” ay dapat maging accessible sa mga pinakabulnerableng sektor ng lipunan, na dapat ay binibigyang prayoridad.

Inulit naman nito ang pangako ng bansa na makiisa sa scientific initiatives ng World Health Organization kontra Covid-19 tulad ng Access to COVID-19 Tools-Accelerator o ACT-Accelerator, COVAX facility, at COVID-19 Technology Access Pool o C-TAP.

Binanggit din ng pangulo sa UN body na tutulong ang Pilipinas sa pagbibigay ng resources, at tutulungan din ang ibang bansa, nang walang kondisyon, sa pagsugpo sa coronavirus.

“With the path clear, we see how far we can go working with each other and how much we can achieve, when we act – not as separate nations – but as one humanity,” wika ng pangulo.

Noong Nobyembre 27, naglagda ng kasunduan ang bansa kasama ang British manufacturer na AstraZeneca para sa pagbili ng dalawang milyong doses ng Covid-19 vaccines.

Sinabi naman ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. noong Miyerkules na posibleng dumating sa bansa ang Covid-19 vaccine doses mula sa Chinese at Russian manufacturers simula first quarter ng 2021 alinsunod sa “advanced” supply negotiations.

Sinisikap ng national task force against Covid-19 na bakunahan ang hindi bababa sa 60 milyong Pilipino upang makamit ang herd immunity, kung saan magiging limitado ang virus transmissions.

LATEST

LATEST

TRENDING