Duterte, nakahandang humarap sa mga akusasyon hinggil sa human rights violations

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte

Iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na handa siyang humarap sa anumang kaso o reklamo tungkol sa pagpapatupad ng madugong kampanya kontra iligal na droga, dahil kumpiyansa siyang maipagtatanggol niya ang kanyang sarili.

“’Yang human rights, ako ang magharap niyan, hindi naman kayo,” wika ni Duterte sa harap ng pulis at iba ang uniformed personnel sa isang event ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Huwebes. Pinangunahan nito ang pagwasak sa nasabat na iligal na droga na aabot sa mahigit ₱7.5 bilyon.

“Kung saan nila gustong… Sabi ko pagkatapos ko ng Presidente, fine. Sayang naman pinagpraktisan ko sa korte, p***** *** kung hindi ko malibre ang sarili ko,” dagdag pa ng pangulo.

Bagama’t walang nakasaad sa Saligang Batas na mayroong immunity ang pangulo mula sa pagkakadawit sa kaso, ito na ang naging kagawian batay sa mga desisyon ng Korte Suprema. Ang mga nagdaang pangulo na sina Gloria Macapagal-Arroyo at Benigno Aquino III, ay parehong sinampahan ng mga kaso pagkatapos ng kanilang mga termino. Si Arroyo ay na-detain nang apat na tao bago mapawalang-sala sa kasong plunder noong 2016.

Idiniin naman ni Duterte na wala siyang pakialam kung ano ang sasabihin ng mga human rights groups hinggil sa mga patayan at paglabag sa karapatang pantao bunsod ng kanyang war on drugs. Hinikayat niya rin ang mga awtoridad na huwag patitinag.

Aniya, “Wag kayong matakot. Ako ang haharap, akin ‘yan.”

“As far as you can, really do [it] in accordance with law pero kapag alanganin ka or you suspect na maunahan ka, patayin mo na para tapos na. One less idiot in this world,” pagbibigay diin ng pangulo.

Subalit, nilinaw ng pangulo sa mga uniformed personnel na pumatay lamang kung nalalagay sa alangin ang kanilang buhay sapagkat may dalang armas aniya ang lahat ng drug suspek.

Gayunpaman, batay sa pagsusuri ng 25 anti-drug operations na ikinasawi ng 45 katao sa Metro Manila, iniulat ng United Nations High Commissioner for Human Rights na ang mga baril na narekober ng mga awtoridad mula sa mga biktima sa iba’t-ibang lokasyon ay may iisang serial number lamang.

“The pattern suggests planting of evidence by police officers and casts doubt on the self-defence narrative, implying that the victims were likely unarmed when killed,” pahayag ng tanggapan sa ulat nito sa UN Human Rights Council.

Kinundena ni High Commissioner for Human Rights Michelle Bachelet ang “malawakan at sistematikong” patayan sa bansa at kinalauna’y nanawagan para wakasan ang mga palisiya at salita na nag-uudyok sa patayan.

Samantala, nanawagan din ang European Parliament para sa pagwawakas ng patayan at pang-aabuso sa bansa. Naglabas ito ng resolusyon kamakailan upang isulong ang trade sanctions “in the absence of any substantial improvement and willingness to cooperate” sa parte ng mga awtoridad sa Pilipinas.

Batay sa datos ng pamahalaan, 5,903 suspek ang maaaring nasawi dahil sa anti-drug operations, subalit sinasabi naman ng lokal at international human rights groups na posibleng mas mataas pa ang bilang nito dahil sa umano’y extrajudicial killings sa ilalim ng Duterte administration.

LATEST

LATEST

TRENDING