DOH, tinanggihan ang pagpapahintulot sa mga bata na pumasok ng malls dahil sa Covid-19

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Health Secretary Francisco Duque III

Binigyang diin ng Department of Health (DOH) na ang mga batang 14-anyos pababa, pati na rin ang mga matatandang edad 66 pataas, ay hindi dapat pahintulutang lumabas upang makaiwas sa Covid-19, giit ni Health Secretary Francisco Duque III noong Miyerkules.

Ito ang naging tugon ni Duque sa rekomendasyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na payagan ang mga batang edad 7 hanggang 14 na makapasok ng malls kung may kasamang nakatatanda.

Ang nasabing rekomendasyon, ayon sa DILG, ay lilinawin pa ng mga nasasakupang local government units (LGUs).

“Ang posisyon namin, hindi po nagbabago. We discourage that kasi meron pa ring risk,” wika ni Duque.

Dagdag pa ng kalihim, “Sa siyam na buwan na karanasan natin sa Covid-19, three to five percent po ng total infected cases natin ay sa mga bata nangyari. Hindi po sila exempted sa hawaan.”

Sa kasalukuyan, ang mga indibidwal na edad 15 hanggang 65 ay pinapahintulutang lumabas para makapaghanapbuhay o bumili ng mga pangunahing bilihin.

Sinabi naman ni DILG Secretary Eduardo Año na wala pang pinal na desisyon ukol sa pagpapapasok ng mga bata sa loob ng malls sa National Capital Region (NCR), kung saan humihingi pa ng abiso ang mga alkalde mula sa Philippine Pediatrics Society at Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines bago magpasya.

Nilinaw din ng DOH na hindi nito ipinagbabawal ang pagdiriwang ng Kapaskuhan kundi dapat limitahan lamang sa mga “immediate family members”.

“Hindi po ipinagbabawal ng DOH ang holiday celebration. Gusto lang po natin ito limitahan sa immediate family members. Hindi na po muna [kasali ang] mga kamag-anak na galing sa ibang lugar,” sabi ni Duque.

Dagdag pa nito, “Kasi sa siyam na buwan na may pandemya, ang nakakahawa po ay iyong mga walang sintomas o kung meron man, mild lang.”

LATEST

LATEST

TRENDING