DPWH at hindi mga kongresista ang nag-reallocate ng badyet: Rep. Yap

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
ACT-CIS Party-list Rep. Eric Yap

Sinabi ng isang party-list representative noong Lunes na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nag-reallocate ng pondo para sa ilang distrito matapos punain ng isang senador ang pagtaas sa badyet ng mga kaalyado ni House Speaker Lord Allaan Velasco.

Inihayag ni Sen. Panfilo Lacson noong nakaraang linggo na may nangyaring pagtaas sa badyet ng mga distritong nirerepresentahan ng mga kaalyado ni Velasco, habang ang mga distritong nirerepresentahan naman ng dating House Speaker na si Rep. Alan Peter Cayetano ay kinaltasan.

Iginiit din ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte, isang dating deputy speaker at kilalang kaalyado ni Cayetano, na aabot sa P386 milyon ang ibinawas sa badyet ng kanyang distrito.

Ayon naman kay ACT-CIS Party-list Rep. Eric Yap, pinuno ng appropriations committee, posible umanong inilipat ng DPWH ang badyet ng Camarines Sur para sa mga proyektong inaasahang makukumpleto sa 2022.

Aniya, “I think nilipat ng DPWH ‘yun sa mas priority, dun sa matatapos by the end of 2022. So ang bottomline po ay ang nag-realign po is ang DPWH, and we just adopted the amendments given to us by the department.”

Idiniin ni Yap na hindi siya kaalyado ni Cayetano o ni Velasco, subalit ang lalawigan ng Benguet, kung saan itinalaga siya bilang caretaker, ay nakatanggap ng budget increase bunsod ng ilang road cuts at road slips na nasira dahil sa landslide.

“I think it is very proper na ayusin naman ng DPWH dahil wala pong madaanan sa amin sa Benguet,” sabi ni Yap.

Habang naghahanda ang Kongreso para sa gaganaping bicameral conference committee meeting para repasuhin ang 2021 badyet, binigyang diin ni Yap na walang pork barrel sa ipinapanukalang 2021 national budget.

Aniya, “I can assure na free ito of pork barrel…All I can see is a project that will benefit the Filipino people.”

LATEST