DOH, kinumpirmang nagkaroon ng spike sa Covid-19 cases kamakailan

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Kuha ni: Danny Pata (MSN)

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) noong Lunes na nagkaroon ng spike sa bilang ng Covid-19 cases sa bansa.

Ito ay matapos pumalo ang daily tally ng Covid-19 cases sa mahigit 2,000 noong Linggo.

Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III sa isang Laging Handa briefing na tama ang naging findings ng OCTA Research at alinsunod ito sa 2-week growth rate at average daily attack rate na mino-monitor ng DOH.

Aniya, “Yung pagtaas, pwedeng ma-attribute natin yan ay unang una, nagdaan itong dalawang malakas na bagyo.”

“Yung sa evacuation centers natin ay posibleng naging dahilan din yan sa kaunting pagtaas ng kaso,” dagdag pa ng kalihim.

Ayon kay Duque, habang papalapit ang Kapaskuhan, mas maraming tao aniya ang lumalabas at minsan ay nakakalimutan nang sundin ang minimum health standards tulad ng pagsusuot ng face masks at pag-obserba ng physical distancing.

“Talagang meron tayong karagdagang kaso. Kaya ito ay naghuhudyat na maging mas maingat tayo. Sumunod tayo sa lahat ng panuntunan,” apela ni Duque sa publiko.

Dahil dito, nag-abiso ang pinuno ng DOH na ipagdiwang na lang aniya ang Pasko kasama ang mga kapamilya at ibang kasama sa bahay.

Aniya, “Wag na magimbita ng iba pang kamag-anak na galing saan saan at di tayo makakasiguro na sila ay free o ligtas sa Covid.”

Inabisuhan din nito ang mga tao na huwag nang magtungo sa mga simbahan upang makaiwas sa mataas na banta ng impeksyon. Dapat na rin aniyang i-reschedule ang pag-uwi sa mga lalawigan.

“Lahat pong ito ay dapat mataas sa ating kamalayan para lumayo tayo sa peligro at maging ligtas ang ating pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon. Huwag po tayong pasaway dahil may kasabihan, nasa huli ang pagsisisi,” sabi ni Duque.

Nagpaalala rin ang kalihim na kadalasang ang mga may edad ay may mga iniindang kondisyon ang mas madaling kapitan ng Covid-19.

LATEST

LATEST

TRENDING