Mga senador, tutol sa pag-waive ng tests para sa mga automated election equipment

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Iginiit ng mga senador noong Linggo na haharangin nila ang anumang pagtatangkang magsingit ng probisyon sa 2021 General Appropriations Act (GAA) na magpapahintulot sa Commission on Elections (Comelec) na i-waive ang tests at certifications para sa seguridad ng equipment na gagamitin sa automated elections.

Unang nagbabala sina Senate President Vicente Sotto III at Senate Minority Leader Franklin Drilon na nakatanggap sila ng impormasyon na magkakaroon ng probisyon sa GAA na layong mag-awtorisa sa Comelec na i-waive ang safeguards sa procurement ng equipment at materials na nakasaad sa ilalim ng Automated Election Law, ayon kay Sen. Sonny Angara.

Aniya, “I was alerted by the Senate President today about this possibility and instructed to guard against any such provision being inserted before Congress ratifies the budget.”

Pangungunahan ni Angara ang 12-member Senate panel sa isasagawang bicameral deliberations tungkol sa 2021 national budget sa susunod na linggo.

Inihayag ni Senate Committee on Electoral Reforms chair Imee Marcos, na lalahok din sa nasabing bicameral conference, na tutol siya sa paglalagay ng nabanggit na probisyon.

“I just saw this reported amendment but am completely opposed to waiving procurement safeguards,” ani Marcos.

“No, I have no clue who its author might be,” dagdag pa ni Marcos nang tanungin kung naipagbigay-alam ba sa kanyang komite ang nasabing proposal na i-waive ang safeguards para sa procurement ng election equipment.

Ayon naman kay Sotto, iniimbestigahan na niya ang isyu.

“Cannot allow. I’m looking into it already!” giit ng Senate President sa isang tweet.

Sa ilalim ng P4.5-trilyong 2021 national budget, inaasahang makatatanggap ang Comelec ng hindi bababa sa P14.56 bilyon bilang paghahanda sa 2022 national elections.

Nakatakda namang umpisahan ng Kongreso ang bicameral deliberations ng GAA sa Disyembre 1, at isumite ito para pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa gitna ng Disyembre, bago mag-expire ang kasalukuyang badyet sa dulo ng taon.

LATEST

LATEST

TRENDING