Kongresista, kampanteng may pondong mapagkukunan para sa Bayanihan 3

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Naniniwala ang isang mambabatas na mayroon pang mapaghuhugutan ng pondo ang gobyerno para tustusan ang isinusulong na Bayanihan 3 kaugnay sa patuloy na laban ng bansa kontra Covid-19 pandemic.

Iginiit ni Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo noong Linggo na ang nasabing pondo ay kukuhanin mula sa natitirang 2020 budget.

Ayon sa kongresista, may savings pa rin ang pamahalaan sapagkat hindi pa nito nauubos ang pondo mula sa Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2), habang ang kabahagi naman ng karagdagang pondo ay posibleng utangin mula sa ibang bansa.

Layunin ng panukalang Bayanihan 3 na palawigin ang pagpapairal ng Bayanihan 2 dahil hanggang Disyembre 19 lamang ang itinakdang itatagal nito.

Sa ilalim ng Bayanihan 2, binibigyang pahintulot ang ehekutibo na gumastos nang hanggang P165 bilyon para sa mga proyektong may kinalaman sa Covid-19 response.

Dapat pa itong ipagpatuloy dahil hindi pa aniya ubos ang pondo ng Bayanihan 2, paliwanag ni Quimbo na isang ekonomista at dating commissioner ng Philippine Competition Commission.

Binigyang diin ng kongresista na walang dagdag-buwis na ipapataw sa publiko sa Bayanihan 3.

Aniya, “Generally speaking, kapag bagsak ang isang ekonomiya, hindi dapat magdagdag ng buwis kasi any tax that you add would mean lalong hindi gagastos ang mga tao. When in fact now, ‘yon ang kailangang i-promote.”

Sa ilalim ng Bayanihan 3, maglalaan muli ng para sa karagdagang emergency response kontra Covid-19 pandemic.

Kabilang sa panukalang ito ang pamamahagi ng ayuda sa mga nawalan ng trabaho at pagbibigay tulong sa mga naapektuhang maliliit ng negosyo.

LATEST

LATEST

TRENDING