Ekonomiya ng bansa, nabawasan ng hindi bababa sa P3.3-T dahil sa pandemiya at mga bagyo: kongresista

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Kuha ni: Darren Langit (Rappler)

Ipinahayag ng isang mambabatas noong Linggo na nagkaroon ng P3.3 hanggang 3.4 trilyong pinsala sa ekonomiya ng bansa ngayong taon ang Covid-19 pandemic at pananalasa ng magkakasunod na bagyo.

Ayon kay Marikina City 2nd District Rep. Stella Quimbo, na naghain ng ipinapanukalang “Bayanihan to Arise as One Act” o Bayanihan 3 bill, bumagsak ang ekonomiya ng bansa simula pa noong first quarter ng taon nang pumutok ang Bulkang Taal.

Aniya, “Yung first nine months ng ating taong 2020 ay pagbagsak ang ating naranasan. Ang inaasahan natin, kabuuang pagbagsak. Ang sabi ng ating economic managers 5.5 percent.”

“Pero, sa totoo lang po, kahit anong gawin nating pag-forecast eh tila it’s going to be more than 5.5 percent, ang pagbagsak. At sinasabi ng ilang international agencies, pati na rin ng local banks, dahil may mga research sila, eh baka umabot ng 10 porsyento ang kabuuang pagbagsak ng buong taon,” ani Quimbo.

Dagdag pa ng kongresista, “Kaya yun ang aking basehan ng pag-compute dun sa sinasabi ko na nasa P3.3 hanggang 3.4 trillion … ang mawawala sa buong 2020.”

Si Quimbo, isang ekonomista, ang awtor ng panukalang Bayanihan 3 law na tatalakayin ng House Committee on Economic Affairs sa Martes, sapagkat hindi umano sapat ang dalawang Bayanihan laws upang tugunan ang epekto ng pandemiya.

Dapat nga rin umanong dagdagan ang alokasyon para sa Covid-19 response sa ilalim ng ipinapanukalang P4.5 trilyong 2021 national budget.

“Alam naman natin na ang pangunahing dahilan… ay ang pandemya. Beginning March, nung tayo ay nag-ECQ, napakaraming negosyante ang apektado dahil ‘di sila nakapagbukas ng kanilang negosyo, pero patuloy pa rin ang gastos nila tulad ng pasahod, mga bayad sa utang,” sabi ni Quimbo.

Dagdag pa nito, “So ang ending, kahit natapos na ang ECQ, naubos na ang puhunan. So hirap po ang napakarami.”

Ayon kay Quimbo, ang kanyang isinusulong na panukalang-batas ay layong maglaan ng P400 bilyon para tulungan ang mga pamilya, manggagawa, at negosyo na naapektuhan ng pandemiya (P330 bilyon); at para sa disaster response (P70 bilyon).

Layunin din nitong palawigin ang pagiging epektibo ng Bayanihan 2 nang lagpas sa Disyembre 19, sapagkat hindi pa umano nagagamit ang P165 bilyon sa ilalim nito.

Ayon kay Quimbo, ang pondo para sa Bayanihan 3 ay maaaring hugutin mula sa 2020 budget savings, pati na rin sa pangungutang sa ibang bansa dahil may good credit ratings aniya ang bansa.

“In our budget hearings, we discovered P1.3 trillion ang hindi pa nadi-disburse sa P4.09 trillion 2020 budget… as of mid-October,” wika ni Quimbo.

Dagdag pa nito, “Kaya meron pa pong kumbaga elbow para ma-realign pa po ang mga savings na yan. Ngayong pandemic, kailangan talagang maubos natin kung ano po yung ating binudget for the year 2020.”

LATEST

LATEST

TRENDING