Año, tumanggi sa pagbabalik ng face-to-face classes

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
DILG Secretary Eduardo Año

Tinanggihan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año noong Linggo ang panukala para sa muling pagbabalik ng face-to-face classes sa mga paaralan sa kasalukuyan, sapagkat puwede umanong magkaroon ng spike sa bilang ng Covid-19 cases kung ipatutupad na ito sa ngayon.

Ito ay matapos imungkahi ng ilang mga mambabatas ang muling pagbubukas ng mga paaralan sa mga lugar ng may minimal o walang kaso ng Covid-19.

“Kapag sinabi mong face-to-face na ‘yung mga estudyante, you’re talking of millions of students, so wala ka nang kontrol diyan kapag sinabi mong face-to-face. Kapag sinabi mo namang selected, ano naman ang criteria mo?’’ giit ni Año.

Binanggit din nitong inanunsyo na rin dati ni Pangulong Rodrigo Duterte na bawal ang pagdaraos ng face-to-face classes hanggang sa dulo ng taon.

Aniya, “So sundin natin ang utos ng Pangulo. By January naman, marami naman tayong pagbabago diyan.’’

Sa ginanap na Senate hearing noong nakaraang linggo, sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, na suportado nito ang ipinapanukalang localized at limitadong face-to-face learning workshops upang mabawasan ang pasanin ng mga magulang na nahihirapang turuan ang kanilang mga anak sa bahay.

Ayon sa senador, kung napayagan nang mag-operate ang massage parlors, dapat pahintulutan na rin ang pagkakaroon ng  limitadong face-to-face classes, sapagkat bumubuti naman na aniya ang sitwasyon ng Covid-19 sa ilang bahagi ng bansa.

Binanggit naman nina Sen. Imee Marcos at Sen. Nancy Binay na binuksan na ang mga sabungan at tourist sites sa ilang bahagi ng bansa.

Gayunpaman, tinanggihan pa rin ni Año ang  “physical classes’’, sapagkat mahirap umano ang pagpapatupad ng minimum health standards sa mga paaralan.

LATEST

LATEST

TRENDING