NHA, nais simulan sa Disyembre ang pamamahagi ng emergency housing assistance

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Kuha ni: Karlo Samson (Sunday Examiner)

Nagbabalak ang National Housing Authority (NHA) na umpisahan na ang pagbibigay ng financial assistance para sa mga naging biktima ng bagyo sa susunod na buwan.

“Plano namin na mag-uumpisa na tayong magbigay ng financial assistance itong Disyembre para at least, bago mag-Pasko, may tulong na nakarating sa inyo,” ani Victor Balba, assistant Genera Manager ng NHA.

Sinabi ni Balba, na bubusisiin muna nila kung ilang pamilya ang naapektuhan ng kalamidad.

“This will be provided to us by the DSWD (Department of Social Welfare and Development), at the same time ise-certify ito ng local government units,” wika ni Balba noong Biyernes.

Ang emergency housing assistance, minimum na P5,000 at maximum na P10,000, ay ibibigay nang cash. Ito ay upang mas madaling makabili ng mga materyales ang mga apektadong residente na kakailanganin para sa pagkukumpuni ng mga nasirang bahay.

“Although ito ay maliit lamang, malaking tulong na rin ito lalong lalo na doon sa talagang higit na nangangailangan,” dagdag pa ni Balba.

Iba naman umano ang programang ipatutupad ng NHA para sa mga residenteng nasa no-build zone na nasiraan din ng tahanan.

Aniya, “Ang plano ng NHA dito at ng pamahalaan, doon sa mga pamilya na nandoon sa no-build zone, ililipat o hahanap tayo ng kanilang resettlement sites.”

P508 milyon ang kakailanganin para sa inisyal na listahang nakuha ng ahensya hinggil sa damaged at destroyed na mga kabahayan na nasa Region 3 lamang. Hindi pa aniya kabilang dito ang mga unang tinamaan ng bagyo.

“Yung sa Montalban at San Mateo na may mahigit 3,000 naapektuhan at mangangailangan rin ng around P17 million din. All in all, aabot sa P536 million for Region 4 alone. For Region 5, mahigit P2 billion para sa nasalanta ng bagyo,” paliwanag ni Balba.

Hinikayat naman ng opisyal ang mga residenteng maiiwanan na makipag-ugnayan sa kanilang barangay at lokal na pamahalaan upang maisama sa listahan ng makatatanggap ng emergency housing assistance mula sa NHA.

“Humihingi rin kami ng konting pasensiya dahil nga sa dami ng nangangailangan hindi naman natin puwedeng pagsabay-sabay. Gagawin natin lahat ng pamamaraan para kayo ay matulungan nang mas maaga,” diin ni Balba.

LATEST

LATEST

TRENDING