NCR mayors, nais panatilihin ang GCQ sa Metro Manila para sa buong Disyembre

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Kuha ni: Cristina Menina (The Straits Times)

Nakatakdang mag-anunsyo ng panibagong quarantine protocols si Pangulong Rodrigo Duterte, para sa buwan ng Disyembre, sa Lunes. Subalit, iminungkahi ng mga alkalde ng Metro Manila na panatilihin ang umiiral na protocols upang mabawasan ang posibleng impeksyon ngayong panahon ng Kapaskuhan.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na mag-aanunsyo sa publiko ang pangulo sa Lunes, Nobyembre 30, upang ipagbigay-alam ang iiral na mga quarantine protocols mula Disyembre 1 hanggang 31.

Tatalakayin din umano ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang datos sa gaganaping meeting ngayong linggo upang isapinal ang mga rekomendasyon nito tungkol sa quarantine protocols para sa iba’t-ibang lalawigan at lungsod.

Samanala, sinabi naman ni national Covid-19 task force chief policy implementer Carlito Galvez Jr. na nais ng mga alkalde ng National Capital Region (NCR) na panatilihin ang general community quarantine (GCQ) sa rehiyon nang hindi bababa sa isang buwan.

“Nag-uusap po kami ng mga mayors, talagang very cautious sila na magkaroon ng MGCQ dito sa (Metro) Manila,” paglilinaw ni Galvez sa isang Malacañang briefing.

Dagdag pa nito, “Ang recommendation po nila, just in case magkaroon po ng easing of restrictions, maybe next year after the holidays.”

Unang ipinahayag ng NCR mayors na nais nilang panatilihin ang GCQ sa buong taon upang mapigilan ang mag residente na balewalain ang pagsunod sa minimum health standards.

Ayon kay Galvez, mataas ang posibilidad ng pag-spike sa bilang ng Covid-19 cases dahil sa muling pagkikita-kita ng mga tao kasama ang kanilang mga pamilya at kaibigan. Subalit, sinabihan din umano ang mga pulis at sundalo na higpitan ang pagpapatupad ng health protocols.

Aniya, “Ngayon na talagang may mga sales, magkakaroon po talaga ng pagdagsa ang mga tao dito sa mga malls.”

“Pinapaalalahanan po namin ang mga mall owners na magkaroon ng stricter implementation through their marshalls. It is very eminent na tataas talaga ang mga kaso,” dagdag pa ni Galvez.

LATEST