Gobyerno, mangungutang sa 3 iba-ibang institusyon para pondohan ang Covid-19 vaccine rollout: Dominguez

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Finance Secretary Carlos Dominguez III

Mangungutang ang pamahalaan ng ₱73.2 bilyon mula sa tatlong external sources upang pondohan ang rollout ng mga bakuna kontra Covid-19 sa bansa kapag dumating na ang mga ito sa merkado, giit ni Finance Secretary Carlos Dominguez III.

Unang binanggit ni Dominguez na mangungutang ang gobyerno ng ₱40 bilyon mula sa multilateral agencies tulad ng Asian Development Bank at World Bank.

Tinatayang nasa ₱20 bilyon naman ang hihiramin mula sa lokal na financing sources tulad ng Landbank of the Philippines, Development Bank of the Philippines, at iba pang government-owned and-controlled corporations (GOCCs).

Ang natitirang ₱13.2 bilyon naman ay magmumula sa mga negosasyon sa ibang bansa na gumagawa ng Covid-19 vaccines.

“It depends on the source of vaccine. Either England or US or whoever,” ani Dominguez sa lingguhang pagpupulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) noong Lunes.

Ipinaliwanag ng kalihim na ang average cost ng vaccine kada tao, hindi bawat dose, ay nasa $25 o ₱1,250.

Ang iminumungkahing ₱73.2 bilyon expenditure para sa Covid-19 vaccine rollout sa bansa ay katumbas ng 60 milyong Pilipinong mababakunahan, dagdag pa ni Dominguez.

Ayon naman kay Health Secretary Francisco Duque III, ang nasabing halaga ay makatutulong aniya na tulungan ang bansang magkaroon ng herd immunity, na ayon sa World Health Organization (WHO) standards ay nasa 60-70 percent ng kabuuang national population. Ang Pilipinas ay mayroong populasyon na nalalapit sa 110 milyong katao.

“If we’re able to reach that, we’re going to pretty much arrest the spread (of the virus) in our society,” sabi ni Duque.

Unang sinabi naman ni National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr. na ang pinakamaagang posibleng rollout ng mga bakuna ay maaaring maganap mula Mayo hanggang Hulyo 2021.

Idinagdag si Galvez sa IATF meeting na limang vaccine manufacturers ang nakatakdang magsagawa ng vaccine trials sa bansa kabilang ang British pharmaceutical firm na AstraZeneca, Chinese company na Sinovac, Russian vaccine manufacturer na Gamaleya, American medical firm na Johnson & Johnson, at isang anonymous Chinese vaccine maker.

LATEST

LATEST

TRENDING