Mas maraming health workers, posibleng mapayagang makapag-abroad: Malacañang

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Posibleng pahintulutan ng pamahalaan ang pag-alis ng mas maraming health workers sa bansa upang makapagtrabaho abroad, pahayag ng Malacañang noong Lunes.

Ito ay matapos alisin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang overseas deployment ban para sa medical frontliners habang nasa gitna ng Covid-19 pandemic ang bansa.

Pinahintulutan ng pangulo nitong weekend ang pag-alis ng 5,000 healthcare workers bawat taon, upang matiyak na may sapat na medical professionals sa Pilipinas para tugunan ang laban kontra Covid-19.

Ang bilang na ito ay batay sa estimate ng labor department tungkol sa mga health workers na nagnanais at maaaring makapagtrabaho abroad, ayon naman kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

Aniya, “Pupuwede naman pong pataasin ang number n’yan in due course.”

“Hindi naman po madaling umalis, lalo na kung gusto n’yong pumunta sa lugar gaya ng Amerika. Napakatagal po ng proseso d’yan,” dagdag pa ni Roque.

Pilipinas ang ikalawa sa may pinakamataas na bilang ng Covid-19 cases at deaths sa Southeast Asia, subalit bumaba na ang arawang pag-akyat sa bilang ng mga bagong kaso at nasasawi bunsod ng nakamamatay na sakit.

Noong 2019, halos 17,000 nurses ang pumirma ng kontrata abroad, ayon sa datos ng Commission on Higher Education at Philippine Overseas Employment Administration.

Noong Abril, pinagbawalan ng pamahalaan ang mga nurses, doktor, at iba pang medical workers na umalis ng bansa dahil kinakailangan umano sila sa laban ng bansa kontra Covid-19.

Bagama’t magandang balita ang pagwawakas sa travel ban, hinikayat naman ni Maristela Abenojar, pangulo ng Filipino Nurses United, ang pamahalaan na tuparin ang pangako nitong mabigyan ng mas mataas na sahod at benepisyo ang mga nurses kung nais umano ng gobyerno na hindi na sila umalis pa ng bansa.

LATEST

LATEST

TRENDING