DPWH, iminungkahi ang pagtatayo ng Marikina Dam at Parañaque Spillway para makontrol ang pagbaha

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Typhoon Ulysses
Kuha ni: Ted Aljibe (AFP)

Alinsunod sa adhikaing protektahan ang mabababang komunidad mula sa malawakang pagbaha, iminungkahi ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagsasakatuparan ng ilang infrastructure projects na kokontrol sa pagbaha sa Metro Manila.

Sa isang pagdinig sa Senado noong Miyerkules, ibinahagi ni DPWH Undersecretary Emil Sadain ang plano ng ahensya para paigtingin ang flood control structures na matatagpuan sa Pasig-Marikina River Channel at sa Parañaque.

Ibinunyag ng DPWH ang kanilang planong magtayo ng multi-purpose dam sa upstream ng Marikina-Montalban River Basin upang mapigilan ang tubig baha na posibleng manggaling sa mga malalakas na bagyo tulad ng Ulysses at Ondoy.

Ayon kay Sadain, kasama rin aniya sa proposed dam, na naisumite na sa National Economic Development Authority (NEDA), ang alokasyon para sa water supply “na maaaring gamitin tuwing tagtuyot.”

Kasalukuyan na umanong ginagawa ang Manggahan Control Gate Structure, na layong limitahan sa 500 cubic meters ang laki ng tubig na papasok sa Ilog Pasig.

“We have to increase the capacity of Pasig-Marikina River by putting up flood walls,” ani Sadain.

Ang water discharge ay nag-uumpisa sa 3,200 cubic meters per second mula sa headwaters ng Marikina, nang walang nakaharang na imprastraktura, paliwanag ng opisyal. Subalit, mayroon umanong 21 na iba pang river systems na umaambag sa discharge ng Laguna de Bay, na maaaring mauwi sa pagbaha.

Ibinahagi rin ng DPWH ang kahalagahan ng muling pagbuhay ng Parañaque Spillway Project upang ma-regulate ang elevation ng floodwater. Ang nasabing proyekto ay unang naging bahagi ng Metro Manila flood control master plan subalit hindi naisakatuparan noong administrasyong Arroyo.

“All in all, these systems can work harmoniously and mitigate flooding in Metro Manila to cut discharge during a storm,” sabi ni Sadain.

Idinagdag din ng opisyal na ang mga nabanggit ng major flood control projects sa Metro Manila ay posibleng magkahalaga ng kabuuang ₱138 bilyon. Hindi bababa sa tatlong taon ang posibleng itagal para makumpleto ang Parañaque Spillway project na may estimated cost na ₱67 bilyon, habang ang Marikina Dam naman ay puwedeng gawin sa loob ng limang taon sa estimated cost na ₱38 bilyon. Samantala, ang pagtatayo naman ng flood walls sa Ilog Pasig ay maaaring umabot ng ₱33 bilyon.

Ayon naman sa architect at urban planner na si Felino “Jun” Palafox, na dumalo rin sa pagdinig, tinatayang nasa 4,600 cms ng tubig ang dumaloy mula sa mga napudpod na kabundukan patungo sa kalungsuran at mabababang lugar ng Metro Manila nang manalasa ang Bagyong Ondoy noong 2009.

“Climate change is also a double whammy. Because of land subsidence, bumababa iyong urban land dahil sa groundwater, overpumping of deep wells. Tumataas ang sea level,” wika ni Palafox.

Dagdag pa nito, “At the same time, dumami ang subdivisions, development in the highlands, midlands.”

“[We must] address the hazards before they become disasters because they are 90% cheaper than post-disaster rehabilitation,” giit ng urban planner.

Noong Martes, nagsagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon ang Kamara tungkol sa epekto ng Bagyong Ulysses habang tiningnan din ang mga umiiral na protocols hinggil sa dam water discharges, at disaster response at coordination efforts ng mga ahensya tuwing may kalamidad.

LATEST

LATEST

TRENDING