Galvez: Mga lungsod at lalawigan sa bansa, iba-ibang Covid-19 vaccine ang matatanggap

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Vaccine Czar Carlito Galvez, Jr.

Ang mga Pilipino sa iba’t-ibang panig ng bansa ay makatatanggap ng iba-ibang Covid-19 vaccines para sa episyenteng deliveries, giit ni vaccine czar Carlito Galvez, Jr. noong Biyernes.

Kasalukuyang nakikipag-usap ang Pilipinas sa 17 foreign developers para sa pagpirma ng supply agreements at mag-pre-order ng vaccine doses bago ang mass production ng mga gamot, na posibleng maihanda sa gitna ng 2021.

Ayon kay Galvez, saklaw ng confidentiality clauses ang advance supply deals, subalit kinumpirma na kabahagi ng pag-uusap ang Moderna at Pfizer, lalo na’t iniulat ng dalawang kumpanya na mahigit 95% effective ang nagawa nitong mga bakuna.

Gayunpaman, hindi lahat ng tao sa bansa ang makatatanggap ng mga nasabing bakuna mula sa nangungunang manufacturers dahil sa problema sa cold chain transport at storage.

Ang ilang mga bakuna aniya ay dapat ilagay sa mga pasilidad na may subzero temperature levels upang mapanatili ang kalidad ng mga ito.

Ayon sa vaccine czar, ang mga may sensitibong requirements sa paggamit ay ilalagay sa mga urban areas na may kapasidad, habang ang mga lugar na may limited storage facilities ay makatatanggap naman ng “classical” vaccine types.

“Example lang: kung makuha natin ang Moderna o Pfizer, dito lang sila sa Metro Manila at saka sa Region 4A para mas madali ang management. Kung makuha natin ang Sinovac, pwede po sila sa mga far-flung areas kasi pwede sila sa refrigerator lang,” paliwanag ni Galvez. 

Dagdag pa nito, “‘Yung -20 degrees (Celsius), parang sa mga ice cream lang, kayang-kaya. ‘Yan po, pwede sa mga hubs sa Bacolod, Cagayan de Oro at saka mga other cities. Ganoon ang magiging strategy.”

Nakikipag-ugnayan din ang grupo ni Galvez sa Johnson & Johnson at Novavax brands ng US; at sa AstraZeneca ng United Kingdom. Kumpiyansa ang opisyal sa mabilis na approval mula sa Food and Drug Administration kapag pahintulutan na ng foreign regulators na may “striktong” patakaran ang emergency use ng mga bakuna.

Samantala, inaprubahan naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang advance market commitments sa pribadong foreign developers at ang maagang pagbabayad para matiyak ang suplay ng bakuna sa Pilipinas.

Sinisikap ng team ni Galvez na makakapagbuo ng kasunduan sa US at UK vaccine manufacturers ang pamahalaan ngayong buwan, at sa tatlo o apat pa sa Disyembre, para matugunan ang target ng bansa na mabakunahan ang 25 milyong mga Pilipino.

Ang immunization plan naman ay magtatagal ng tatlo hanggang limang taon para mabakunahan ang mahigit na 100 milyong katao sa bansa.

Bibigyan ng prayoridad sa programa ang mga health workers, essential workers, mahihirap, senior citizens at bulnerableng sektor. Susunod naman dito ang mga manlalayag, OFWs, pulis, at militar, paglilinaw ni Galvez.

LATEST

LATEST

TRENDING