Roque, tinanggihang magkakaroon ng Duterte-Duterte tandem sa 2022 elections

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Pangulong Rodrigo Duterte at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio

Pinabulaanan ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang mga usap-usapan na muling tatakbo si Pangulong Rodrigo Duterte sa 2022 national elections, dahil nais na umano nitong matapos na ang kanyang termino sa Malacañang.

“Ang pagkaaalam ko po eh atat na atat na si Presidenteng matapos ang kanyang termino at gusto na niyang umuwi sa Davao,” ani Roque sa isang virtual briefing.

Sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na posibleng magkaroon ng Duterte-Duterte tandem sa 2022 presidential elections, kung saan si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ay tatakbo bilang presidente habang ang kanyang ama naman ang magiging running mate.

“Iyong Duterte-Duterte tandem po na sinasabi ni Secretary Panelo, yan po ay kanyang personal na opinyon,” paglilinaw ni Roque.

Tinanggihan din ni Roque ang mga naiuulat na hindi naniniwalang totoo ang mga residente ng Davao City sa Covid-19 pandemic, kung saan sinusuway umano ng mga ito ang health protocols at tinawag pang “scamdemic” ang pandemiya.

“Hindi po ako naniniwala na may mga taga-Davao na hindi naniniwala sa ating Presidente dahil ang Presidente na po ang nagsasabi na para maiwasan ang COVID, kinakailangan mag-mask, iwas, hugas,” giit ni Roque.

Ibinalik kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Davao City sa general community quarantine (GCQ) matapos magkaroon ng spike sa Covid-19 cases sa lungsod.

Bago ito, inilarawan ang siyudad, tulad ng Baguio City, bilang isa sa mga “hotspots of serious concern.”

LATEST

LATEST

TRENDING