Robredo, hindi aniya patitinag sa mga naninira sa kanya

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Pangalawang Pangulo Leni Robredo

Bagama’t tila “pinagtutulungan” aniya ng mga kaalyado ng administrasyon at mga tagasuporta nito sa pagpapakalat ng kasinungalingan laban sa kanya, binigyang diin ni Pangalawang Pangulo Leni Robredo noong Linggo na hindi umano siya bababa sa kanilang lebel.

Aniya, “For a very long time, pinabayaan ko ang fake news. Pero ako, hindi ako magii-stoop down sa level nila. Hindi ako mag-stoop down sa kabastusan.” 

Nagbigay ng impormasyon si Robredo hinggil sa mga kritiko na sinisikap aniyang sirain ang kanyang pangalan, habang hindi ito pinangangalanan.

“Makikita mo naman, pare-pareho iyong mga magkakakampi, makikita mong pareho ang mga values. Magkakasama ang mga bastos, magkakasama ang mga sinungaling,” dagdag pa ni Robredo.

Matagal nang nilalabanan ni Robredo ang mga nagpapakalat ng fake news simula nang mahalal ito sa puwesto. Noong nakaraang linggo, naglaan ng halos 30 minuto si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang public address upang banatan si Robredo, kung saan karamihan ng mga paratang nito ay wala namang katotohanan.

Sinisi ni Duterte si Robredo sa umano’y paghahain ng kritisismo laban sa kanya hinggil sa kinaroroonan nito noong mga nagdaang bagyo, at sinabing nagtawag lang daw ito sa telepono at inutusan ang militar na umaksyon sa rescue at relief operations. Walang inilabas na mga ganitong pahayag ang pangalawang pangulo.

Naunang humingi naman ng tawad sina Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo at Defense Secretary Delfin Lorenzana kay Robredo matapos paratangang gumamit ito ng government plane nang bisitahin ang lalawigan ng Catanduanes na sinalanta ng bagyo.

Dinipensahan din ni Robredo ang kanyang dalawang anak matapos ihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang tweets ng dalawa ukol sa umano’y pagpuna sa pangulo bagama’t walang binanggit na pangalan.

“Hindi ako maga-apologize sa kanilang mga paniniwala. Kasi itong mga anak ko, lahat ito, hindi umasa sa kanilang impluwensiya o pangalan. Kung anuman ang kanilang na-accomplish, dahil iyon sa kanilang hard work,” giit ni Robredo.

LATEST

LATEST

TRENDING