Gobyerno, nagpaplanong magtanim ng 200 milyong puno

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Larawan mula sa: Philippine Coast Guard

Nagbabalak ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na maglunsad ng malawakang tree planting campaign sa susunod na taon bilang pangtugon sa mapaminsalang pagbahang idinulot ng mga nagdaang bagyo sa bansa.

“Ang goal po nito ay makapagtanim tayo ng 200 million trees,” ani DILG spokesperson, Undersecretary Jonathan Malaya sa online media noong Sabado.

Ayon kay Malaya, target umano ni DILG Secretary Eduardo Año ang rollout sa susunod taon, kung kailan ipag-uutos ito sa mga local government units (LGUs) bilang pagsuporta sa national greening program.

Samantala, inatasan din ni Año ang Philippine National Police (PNP) na pangunahan ang kampanya kontra illegal logging at illegal mining sa mga lugar na sinalanta ng bagyo.

“Partikular po diyan sa Cagayan, Isabela, kahit na rin po sa Kabikulan dahil isa nga po ito sa mga sinasabing dahilan kung bakit nagkaroon ng unprecedented widespread flooding dahil nga po dito sa mga illegal acts na ito,” wika ni Malaya.

Unang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na paimbestigahan ang logging at mining activities sa Cagayan Valley, na isa sa mga rehiyong pinakanapinsala ng Bagyong Ulysses. Oras na aniya para sa pamahalaan na paigtingin ang mga hakbang sa pagprotekta sa kagubatan upang mapigilan ang mga kalamidad sa hinaharap.

Ayon naman kay DENR Secretary Roy Cimatu, nag-isyu na umano ng cease-and-desist orders laban sa small-scale mining operations, habang idinagdag na 10 katao na aniya ang nasawi dahil sa pagtatrabaho sa illegal mining sites.

Naunang ipinanawagan naman ni Cagayan Governor Manuel Mamba ang pagkakaroon ng “holistic approach” mula sa pamahalaan para tugunan ang mga suliraning kinakaharap ng kalikasan tulad ng pagkasira ng mga kagubatan at mabigat na siltation sa mga riverbeds, na nakapagdulot umano ng pinakamalubhang pagbaha sa lalawigan sa kasalukuyan. Umabot sa 13 metro ang baha sa ilang lugar, kung kaya’t na-stranded ang ilang mga residente sa bubungan ng kanilang mga tahanan.

Naglabas naman ng kabuuang ₱1.5 bilyong ayuda para sa LGUs na tinamaan ng bagyo matapos ang pagdedeklara ng state of calamity sa buong Luzon, sabi ni Malaya.

LATEST