DOTr, inutusan ang mga opisyal na magsumite ng SALN sa anti-corruption task force

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
DOTr Secretary Arthur Tugade

Inihayag ng Department of Transportation (DOTr) noong Linggo na ipinag-utos nito sa lahat ng mga opisyal ng ahensya na isumite ang deklarasyon ng kanilang kayamanan sa “task force” kontra kurapsyon na pinangungunahan ng Department of Justice (DOJ).

Ang kautusag magsumite ng Statement of Assets, Liabilities, and Net worth (SALN) sa nakalipas na tatlong taon ay sumasaklaw din sa mga kabahagi ng project management at procurement, paglilinaw ni DOTr Secretary Arthur Tugade.

Aniya, “Sabi ko, ikumpara ‘yun at ipakita at sabihin sa akin kung meron silang nakikitang dapat bigyang pansin.”

“We already had a meeting and agreed to comply with the requirement asked for by the Presidential Anti-Corruption Commission, so we can show that we are cooperating with the government in addressing and eradicating corruption,” dagdag pa ng kalihim.

Simula noong 2019, 128 DOTr personnel ang pinasibak sa serbisyo dahil sa grave misconduct at conduct prejudicial to the service’s best interest, ayon sa ahensya. 20 na iba naman ang tinanggal habang 17 ang sinuspinde.

Ang lahat ng biddings ay naka-livestream at ang mga meetings sa contractors ay ipinagbawal sa kalagitnaan ng bidding process upang maiwasan ang bribery at undue influence, dagdag pa ng ahensya.

Unang tinukoy naman ng binuong anti-corruption task force, na pinamumunuan ng DOJ, ang limang ahensyang bibigyan nito ng prayoridad sa isinasagawang imbestigasyon laban sa kurapsyon alinsunod sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang mga ito ay ang PhilHealth, Bureau of Customs, Bureau of Internal Revenue, Land Registration Authority, at Department of Public Works and Highways.

Noong Sabado, sinabi ni DOJ Secretary Menardo Guevarra na nakatanggap ng hindi bababa sa 60 reklamo ang task force sa nakalipas na dalawang linggo.

Karamihan umano sa mga ito ay hinggil sa “corrupt” transactions sa mga ahensya, kung saan kabilang sa mga ito ay milyung-pisong proyekto.

Ang mga reports, ayon kay Guevarra, ay tungkol sa maraming ahensya, tulad ng regional o district offices ng Department of Public Works and Highways, Bureau of Corrections, DOTr, Land Transportation Office, Department of Health, PhilHealth, Land Registration Authority, Bureau of Internal Revenue, Bases Conversion and Development Authority, Bureau of Customs, APO, at “maraming local government units.” 

LATEST

LATEST

TRENDING