
Hinikayat ng Department of Health (DOH) noong Lunes ang publiko na mag-online shopping na lang ngayong Kapaskuhan matapos dumagsa ang mga mamimili sa Divisoria, kung saan hindi na nasunod ang physical distancing habang nasa kalagitnaan pa ng Covid-19 pandemic ang bansa.
Iginiit ni DOH Spokesperson Maria Rosario Vergeire na mataas pa rin ang risk ng Covid-19 transmission sa mga matataong lugar kahit pa man magsuot ng face mask at face shield.
Aniya, “Kahit kayo ay naka-mask at face shield, pero kung kayo naman po ay pupunta sa matataong lugar na halos dikit-dikit na kayo, maaari pa rin kayong mahawa. The risk is there and it’s very high.”
Bagama’t nakasuot ng face mask at face shield, sumugod ang mga tao sa tanyag na pamilihan nitong weekend upang maka-iskor ng murang mga bilihin. Madalas umanong magkaroon ng panikikip sa Divisoria kapag weekends dahil sa dami ng nagsisipuntahang mamimili, ayon sa ilang manininda sa lugar.