Evacuee sa Marikina, nagpositibo sa Covid-19

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Marikina Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro sa Barangka Elementary School.
Larawan mula sa: Marikina LGU

Inanunsyo ng Marikina City Government noong Huwebes na isa sa mga evacuees na tumira sa isang evacuation center sa lungsod ang nagpositibo sa Covid-19.

Ang pasyente ay isang 68-anyos na lalaki na pansamantalang tumuloy sa Barangka Elementary School, isa sa mga evacuation centers kung saan nagsasagawa ang lungsod ng rapid testing. Matapos magpositibo sa antibodies, nakumpirma na mayroong Covid-19 ang nasabing pasyente sa pamamagitan naman ng RT-PCR test.

Kasalukuyan nang naka-quarantine sa isang hotel ang pasyente, pahayag ni Marikina Mayor Marcy Tedoro.

Aniya, “[M]ay comorbidities kaya naging maagap tayo upang hindi lang siya ma-isolate kundi higit sa lahat matanggap niya yung medical supportive treatment para gumaling siya agad.”

Ang 13 evacuees namang nakasalamuha ng pasyente ay nagnegatibo mula sa nakamamatay na sakit, kabilang ang kanyang 62-anyos na asawa at 3 anak, ani Teodoro.

Ayon sa alkalde, mahigit 15,000 katao aniya ang naninirahan sa evacuation sites ng lungsod matapos hagupitin ang Marikina ng Bagyong Ulysses noong nakaraang linggo.

Ang Marikina ang unang lungsod na nagdeklara ng state of calamity dahil sa bagyo, na nagdulot ng labis na pagtaas ng tubig sa Marikina River, kaya’t napilitang lumikas ang mga residente.

Upang mapigilan ang coronavirus transmission sa evacuation centers, Sinabi ni Teodoro na ipagpapatuloy ng city government ang pagte-test sa evacuees, habang binibigyang prayoridad ang mga immuno-compromised at bulnerableng indibidwal, at mga nagpapakita ng sintomas.

Nangangailangan din umano ng face mask at face shield ang mga evacuees upang maprotektahan sila mula sa nakamamatay na sakit.

Isinailalim na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang buong Luzon sa state of calamity dahil sa sunud-sunod na mga pagbagyo, kung saan maaari nang gamitin ng mga opisyal ang standby funds para sa mas mabilis na relief at rehabilitation efforts.

Samantala, sinabi naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nagsasagawa ng antigen tests sa lahat ng  are evacuation centers sa bansa.

LATEST

LATEST

TRENDING