
Binanatan ni Pangalawang Pangulo Leni Robredo noong Martes bilang pagtugon, ang naging patutsada ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan tinanong nito kung saan nagpapalipas ng gabi si Robredo.
Unang sinabi ni Duterte sa isang public briefing na nililito ni Robredo ang publiko sa pagsasabing absent ito nang manalasa ang Bagyong Ulysses sa bansa. Subalit, hindi totoo ang mga naging paratang ng pangulo.
Iginiit ni Duterte na siya ay isang “night person” na mas pinipiling magtrabaho nang dis oras ng gabi sa pagbabasa ng mga opisyal na dokumento.
“Sinabi ko sa tao ‘yan that I am a night person, my day begins at 2, 2 o’clock hanggang gabi na, no limit. Hanggang gabi na ‘yan, umaabot ng alas dos, alas tres ng umaga,” wika ng pangulo.
Tinanong naman ni Duterte si Robredo kung saan ito umuuwi at kung kaninong bahay ito madalas na naglalagi.
“Kung sabihin ko tuloy sayo, what time did you go home? Ikaw, noong gabi, anong oras ka umuwi? Isang bahay ka lang ba, dalawang bahay?” ani Duterte.
Dagdag pa nito, “Gusto kong malaman, ikaw, gabi-gabi lumalakad ka, anong oras ka umuuwi? At kaninong bahay ka tumutuloy?”
Ikinagalit naman ito ni Robredo kung saan tinawag niyang “misogynist” si Duterte.
“When a President is a misogynist, the conversation goes down to this level,” pahayag ng pangalawang pangulo sa isang tweet.
Ipinakita rin ni Robredo ang isang video kasama ang kanyang staff at mga volunteers na naghahanda ng relief goods para sa mga sinalanta ng bagyo.
Aniya, “Eto po yung ginagawa namin gabi gabi, nagpupuyat ilang linggo na para, araw-araw, may madala lang na tulong sa mga nangangailangan.”
Pinabulaanan ni Robredo ang mga akusasyon ni Duterte na tinanong niya umano kung saan ang kinaroroonan ng pangulo.
“I just called out Sec. Panelo for peddling fake news. I am also calling out whoever peddled the fake news to the President, kaya ganito siya ka pikon. I never said ‘Where is the President’? You can review all my tweets,” paliwanag ng pangalawang pangulo.
Binigyang diin nitong tumutulong lamang siyang ihayag ang mga panawagan ng mga biktima ng bagyo na magpa-rescue bunsod ng matinding pagbaha sa Cagayan, matapos sabihin ni Duterte na hindi makikinig kay Robredo ang militar sa tuwing may emergency dahil wala naman aniya ito sa “line of authority.”
“Marami sa inyo tumutulong sumagot sa mga umiiyak at humihingi ng tulong para ma rescue sa Cagayan at Isabela noong gabi ng Nov 13 hanggang sa madaling araw ng Nov 14. I did what I felt was my job,” giit ni Robredo.
Dagdag pa nito, “Sa panahon ng matinding sakuna, dapat lahat na tulong, welcome. Hindi ito contest. Hindi tayo nag uunahan. Lahat tayo dapat nagtutulong tulong para sa ating mga kababayan.”