Recto, hinikayat ang Kongreso na taasan sa P50-B ang Covid-19 vaccine budget

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Senador Ralph Recto
Kuha ni: John Jerome Ganzon (Manila Bulletin)

Isinulong ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto noong Miyerkules ang pagtaas sa badyet ng pamahalaan para sa Covid-19 vaccine sa P50 bilyon, sapagkat hindi umano isinama ng mga opisyal ang pondo para sa distribusyon nito.

Sa ilalim ng kasalukuyang 2021 budget proposal, naglaan ang mga mambabatas ng P8 bilyon para sa pagbili ng mga bakuna, triple mula sa inisyal na P2.5 bilyong pondong iminungkahi ng executive department.

“There is no money set aside for the distribution… and we have the opportunity to correct it,” ani Recto sa budget debates sa Senado.

Dagdag pa nito, “Palagay ko the distribution will be more expensive than the actual vaccine itself.”

Dapat aniyang maglaan ng karagdagang P20 bilyon para sa “delivery ng bakuna,” habang isa pang P20 bilyon ang kinakailangan naman bilang unprogrammed appropriations.

Magagastos lamang umano ng executive branch ang mga pondo sa ilalim ng unprogrammed appropriations kung mahihigitan ng pamahalaan ang revenue targets nito.

“We have P1.9 trillion in lost opportunity and here we are haggling with what? P50 billion?” wika ng senador.

Dagdag pa nito, “It’s a matter of priority. We are reviewing the budget and if we don’t do anything about it sino may kasalanan? Kongreso.”

“‘Di bale nang mag-overestimate tayo kaysa we don’t put anything,” diin ni Recto.

Tinatalakay ng mga mambabatas ang usapin ukol sa karagdagang pondo para sa storage at delivery ng Covid-19 vaccine, kasabay ng paglikha ng Pfizer ng bakunang dapat ilagay sa -70 degrees Celsius (-94 Fahrenheit) na temperatura para sa long-term storage, habang ang bersyon naman ng Moderna ay dapat ilagay sa -20 degrees Celsius (-4 Fahrenheit) kung itatago nang 60 days, at 2-8 degrees naman kapag 30 days.

Unang sinabi ng Department of Health (DOH) na kabilang na sa proposed budget para sa pagbili ng bakuna ang gagastusin para sa transportasyon at storage nito.

“All of these are considered and all of these are being estimated for now. We already have submitted the required funds that we need for the procurement of the vaccine until its distribution storage and warehousing,” sabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

Naunang ipinahayag naman ni Marikina Rep. Stella Quimbo na ang inisyal na P2.5 bilyong pondo para sa Covid-19 vaccines ay sasaklaw lamang umano sa 3.9 milyong Pilipino, o 20 percent lamang ng target na 20 milyong indibidwal.

Ayon sa mga eksperto, 60 hanggang 70 percent ng populasyon ang dapat makatanggap ng Covid-19 vaccine para masira ang “chain of transmission” ng nakamamatay na sakit.

LATEST