Malacañang: PH, makakukuha ng Covid-19 vaccine mula US

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Kuha ni: Dado Ruvic (Reuters)

Magkakaroon ang Pilipinas ng access sa coronavirus vaccine ng US, giit ng Malacañang noong Martes, matapos inanunsyo ng isang US biotech firm na 95-percent effective ang nalikha nitong bakuna kontra Covid-19.

Inilarawan ng top infectious disease scientist sa US noong Lunes ang coronavirus vaccine ng Moderna bilang “stunningly impressive”, matapos isagawa ang isang clinical trial na nilahukan ng mahigit 30,000 katao.

Noong nakaraang linggo, sinabi naman ng American pharmaceutical company na Pfizer at ang German partner nitong BioNTech na 90-percent effective ang ginawa nilang bakuna.

“We have firm commitments from the United States… that we will have access po to COVID vaccines that may be developed in the United States,” diin ni Presidential Spokesperson Harry Roque. 

Ayon kay Roque, inihayag umano ni US Secretary of State Mike Pompeo ang nasabing impormasyon kay Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin. 

Nangako rin ang China na mag-susuplay ito ng bakuna sa Pilipinas, habang sumang-ayon naman ang UK sa World Health Organization na ibibigay nito ang potential vaccine sa mga mahihirap na bansa, wika ni Roque.

Ang dalawang US vaccine frontrunners ay batay sa bagong teknolohiya na gumagamit ng synthetic versions ng molecules na kung tawagin ay “messenger RNA” para pumasok sa cells ng tao, at epektibong gawin itong vaccine-making factories.

“The idea that we have a 94.5 percent effective vaccine is stunningly impressive,” sabi ni Dr. Anthony Fauci, direktor ng National Institutes of Allergies and Infectious Diseases, na nag-co-develop sa bakuna.

Dagdag pa nito, “It is really a spectacular result that I don’t think anybody had anticipated would be this good.”

Nagbabalak naman ang Moderna na magsumite ng applications para sa emergency approval sa buong mundo sa mga darating na linggo, at sinabing umaasa itong magkakaroon ng tinatatayng 20 milyong doses na handang i-ship sa US sa dulo ng taon.

Ayon sa kumpanya, na nakatanggap ng $2 bilyong mula sa US government sa ilalim ng “Operation Warp Speed,” kasalukuyang itong nagma-manufacture ng bakuna na maglalaro sa pagitan ng 500 milyon hanggang sa isang bilyong doses sa buong mundo sa 2021.

Umabot na sa mahigit 54 milyon ang nagpopositibo sa Covid-19 sa buong mundo, kung saan 1.3 milyon na ang nasawi, simula nang unang pumutok ang coronavirus sa China noong nakaraang taon.

Binanggit naman ni Moncef Slaoui, na namumuno sa Operation Warp Speed, na umaasa itong ang dalawang bakuna ay maaprubahan sa Disyembre, habang ang Johnson & Johnson vaccine naman sa susunod na taon.

Gayunpaman, hindi pa rin malinaw kung gaano katagal ang proteksyon mula sa Moderna o Pfizer vaccines. Isa pang katanungang wala pang sagot ay kung mapipigilan ba nito ang mga taong na-expose sa virus na makapanghawa ng iba pang tao, kahit na maaari na silang protektado na mula sa nakamamatay na sakit.

LATEST

LATEST