Isabela, ubos na ang pondo para sa mass testing ng evacuees – gobernador

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Larawan mula sa: Philippine Air Force

Ang lalawigan ng Isabela, isa sa mga pinakanapinsala dahil sa paghagupit ng Bagyong Ulysses, ay wala nang pondo para i-test ang mga evacuees na nagsipaglikas mula sa bagyo, wika ni Governor Rodito Albano noong Martes.

Ayon sa gobernador, kasalukuyang nakapokus ang provincial government sa rescue at relief operations para sa mga apektadong mga residente ng lalawigan.

Aniya, “Wala kaming pera para sa ngayon, para sa massive testing sa evacuation centers. Karamihan ng evacuation centers namin nalubog din eh.”

“Ina-assess pa namin ito, nire-reorient, nireredirect ang resources sa rescue facilities,” dagdag pa ni Albano.

Nang tanungin kung anu-anong health protocols ang ipinatutupad sa lalawigan para mapigilan ang Covid-19, sinabi ng gobernador na:”Ngayong walang baha, masusunod na iyon (social distancing) ng husto.”

Dagdag pa nito, “Ang mahalaga, palakasin muna natin ang resistensya ng mga tao dito.”

Hindi bababa sa tatlong nasawi at dalawang missing ang naitala sa lalawigan dahil sa pananalasa ni Ulysses.

Sinabi naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang hiwalay na briefing na plano ng pamahalaang magsagawa ng antigen testing sa mga evacuation centers upang mapigilan ang paglaganap ng Covid-19.

“Bago pa dumating ang series ng bagyo, napagdesisyunan na ng gobyerno na magbigay ng COVID test at gagamitin ay antigen test sa evacuation centers,” ani Roque.

Samantala, nakapagtala naman ang National Disaster Risk Reduction and Management Council ng 67 na mga nasawi sa buong bansa dahil sa pananalasa ng bagyo.

LATEST

LATEST

TRENDING