
Larawan mula sa: Philippine Coast Guard
Inutusan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na paimbestigahan ang illegal mining at logging activities sa Cagayan Valley matapos ang mapaminsalang pagbaha sa rehiyon na dulot ng Bagyong Ulysses.
Nagdaos ng meeting sa pangulo sa kabisera ng lalawigan, Tuguegarao City, noong Linggo para i-asses ang epekto ng bagyo.
Sinabi nitong nagtatrabaho ang gobyerno para pigilan ang isa pang kalamidad sa pamamagitan ng pagpapaigting sa protekston ng kagubatan laban sa iligal na pagtotroso at pagmimina.
Aniya, “Let us see, as I have said, it props up every now and then, I will direct here General Cimatu to look into the illegal mining, especially where the people are building their shelters downwards.”
Sinabihan ni Duterte si DENR Secretary Roy Cimatu na kung hindi maisasakatuparan ang pagpapahinto ng pagmimina sa lugar, dapat umanong humanap ito ng paraan para mailipat ang mga tahanan sa mas ligtas na lugar.
Noong Lunes, inamin naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang press conference na posibleng nagkaroon ng mga pagkukulang sa aspeto ng implementasyon sa pagpigil sa illegal mining activities sa Cagayan.
“They have limited enforcement so I would accept that we need to better enforce and implement the laws banning illegal mining even in…remote and secluded areas such as the Sierra Madre range,” ani Roque.
Binanggit naman ni Cimatu na nag-isyu na ang ahensya ng cease-and-desist orders laban sa small-scale mining operations, at idinagdag na 10 katao ang nasawi sa landslides dahil sa pagtatrabaho sa illegal mining sites.
Aniya, “There’s no mining area given permit, sir. Illegal mining po itong mga lugar ‘yung namatay. So we have filed cases already and cease and desist order for these crooked people.”
Nabigla ang mga residente ng Cagayan nang rumagasa ang malaking tubig baha sa lalawigan bunsod ng Bagyong Ulysses. Umabot sa 13 metro ang lebel ng tubig sa ilang lugar, kung saan naging desperado para magpa-rescue ang ilang residente.
Iginiit naman ni Cagayan Governor Manuel Mamba na ang pagbaha sa lalawigan ay hindi lamang dahil sa pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam, subalit dahil na rin aniya sa “pagsira sa kagubatan” at “siltation ng mga ilog” na nangangailangan ng pangmatagalang lunas.
Ang pagbabalik umano sa river channel, dredging ng Cagayan River at re-greening sa mga kagubatan ng rehiyon ay makatutulong sa pagtugon sa problema ng pagbaha, subalit nangangailangan ito ng kooperasyon ng buong rehiyon.
Sinabi naman Cimatu na pinayagan na ang lokal na pamahalaan para i-dredge ang ilang bahagi ng Cagayan River para mapigilan ang overflow.
“I approved the request of the Governor of a 30 kilometers dredging from the mouth of the river, upstream and that will really help a lot, Mr. President,” paglilinaw ni Cimatu.