Roque, tinanggihang nagkaroon ng info gap hinggil sa pagbaha sa Cagayan

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Presidential Spokesperson Harry Roque

Tinanggihan ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang mga akusasyon hinggil sa malawakang communication gap na nakabawas aniya sa preparasyon ng mga opisyal at residente ng Cagayan para sa mapaminsalang pagbaha sa lalawigan bunsod ng Bagyong Ulysses.

“Maninindigan po ako, walang information gap,” diin ni Roque noong Lunes sa isang briefing matapos itong pagpaliwanagin kung bakit nabigla ang mga residente ng Cagayan dahil sa pagbaha kahit na hindi direktang tumama ang bagyo sa lalawigan.

Mariing hindi sinang-ayunan ni Roque ang pahayag ni Pangalawang Pangulo Leni Robredo na ang kawalan ng ABS-CBN regional unit – na napilitang magsara dahil sa pagtanggi ng Kongreso na bigyan ng bagong prangkisa ang network – ay nagresulta sa kawalan ng impormasyon.

Ayon kay Roque, nagsasagawa ang kanyang team ng public briefings upang i-update ang mga Pilipino tungkol sa sitwasyon ng bansa bunsod ng magkakasunod na kalamidad.

Karamihan ng media outlets ay nakapag-ulat lamang ng sitwasyon sa Cagayan noong Biyernes, kung kailan desperado nang umaapela ng tulong ang mga residente nang sila ay ma-trap sa bubungan ng kani-kanilang mga tahanan matapos ang mabilis na pagtaas ng tubig baha.

22 katao ang binawian ng buhay sa Cagayan Valley dahil sa Bagyong Ulysses.

Iginiit naman ni Roque na climate change ang salarin kung bakit mapaminsala ang mga naging epekto ng mga nagdaang bagyo kamakailan.

Aniya, “Kahit gaano kagaling ang DENR, kahit gaano kagaling ang NDRRMC, habang hindi natin nasusolusyunan itong climate change ay baka mabura pa ang ating teritoryo.”

Sinabi rin nitong  “talagang naghanda” ang pamahalaan para sa insidente sa Cagayan subalit nagulat lamang sa mabilis na pagtaas ng tubig, na dahil umano sa malaking bilang ng tubig na pinakawalan ng Magat Dam.

Inakusahan din ni Roque ang mainstream media dahil sa hindi pag-uulat sa advisory ng regional National Irrigation Administration tungkol sa pagbubukas ng floodgates, subalit binawi rin ito at ibinuntong ang sisi sa mga mamamahayag.

“We will strive to do better pero sa tingin ko po, walang pagkukulang,” diin ni Roque.

Samantala, magsasagawa naman ang Kamara ng imbestigasyon tungkol sa mga pangyayaring nakapagdulot ng matinding pagbaha sa Cagayan at Isabela matapos ang Bagyong Ulysses.

Dinipensahan din ni Roque ang naging hakbang kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte na lumikha ng panibagong task force para tumugon sa disaster response, bagama’t nasa mandato na ito ng NDRRMC.

Ang “Build Back Better” Task Force – parehong tagline na ginamit ng Aquino administration para i-rehabilitate ang Samar at Leyte matapos ang pananalasa ng Bagyong Yolanda – ay pangungunahan ni Executive Secretary Salvador Medialdea.

Ayon kay Roque , asahan umanong tutugunan nito ang mga isyu hinngil sa koordinasyon at sa posibleng pag-oversee sa dam water upang mapigilan ang muling pagkakaroon ng mapaminsalang pagbaha.

“Ang sinasabi lang ni Presidente, maski walang pagpupulong ng council, puwede nang magdesisyon ang Executive Secretary lalung-lalo na if it means saving lives,” wika ni Roque.

LATEST

LATEST

TRENDING