PhilHealth, itinaas sa 144 dialysis sessions ang sasagutin ngayong taon

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Inanunsyo ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na 144 dialysis sessions na, mula sa dating 90 sessions, ang sasagutin ng ahensya para sa mga may sakit sa bato ngayong taon.

Sinabi ng PhilHealth na inaprubahan na ng Board of Directors nito ang dagdag na sessions na puwedeng i-avail ng mga pasyente hanggang Disyembre 31, 2020.

Sa komputasyon ng PhilHealth, katumbas ito ng libreng gamutin sa buong taon.

“Alam natin na ’yung 90-session limit ng PhilHealth… ay nananatili na kulang pa rin. Kaya nga itong paggagawad ng up to 144 sessions sa taong ito, napakalaking tulong po ito,” giit ni PhilHealth Spokesperson Rey Baleña.

Bagama’t nagpasalamat ang dialysis patients, kulang pa rin umano ang 144.

“Ang kuwento po namin bilang grupo, matagal na po naming ipinaglalaban din, 156 po talaga to cover ‘yong buong taon,” diin ni Jimmy Gran, administrator ng Dialysis PH Support Group Inc.

Nais din nitong pabilisin ng PhilHealth ang pagbabayad sa mga dialysis center para hindi naiipit ang mga pasyente kapag kinakapos na ang pagamutan.

Aniya, “Ang dami pong mga pasyente ngayon na naghihinagpis, umiiyak dahil wala nang pang-dialysis, nagi-skip ilang linggo na.”

“‘Pag na-skip kami ng dialysis, bukod sa komplikasyon, may kalalagyan po kami. Puwede kaming mamatay in a matter of 2 weeks, 3 weeks, a day,” dagdag pa ni Gran.

Ipinahayag naman ng Malacañang na nakikipag-ugnayan din ang PhilHealth sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para mabigyan pa ng P10,000 financial assistance ang mga dialysis patients ngayong panahon ng pandemiya.

Ayon kay Senador Risa Hontiveros, mahigit P12,000 ang ginagastos sa dialysis bawat linggo.

“We will again study how will it go next year. But definitely, there is no way to go but retain or expand. We cannot regress,” wika ni Baleña.

Sa ngayon, wala pang kongkretong plano hinggil sa dialysis coverage ng PhilHealth sa 2021, subalit may posibilidad umanong panatilihin o palawigin pa ang 144 sessions.

LATEST

LATEST

TRENDING