Duterte, sinabing ‘pamumulitika’ lamang ang kritisismo sa typhoon response ng gobyerno

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte

Ipinagkabit-balikat lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Linggo ang mga kritisismo laban sa isinasagawang typhoon response ng pamahalaan at sinabing “pamumulitika” lamang ang mga ito.

Aniya, “Pamulitika yan, sa totoo lang. That’s a political punchline.”

Sa isang press briefing sa Camarines Sur, sinabi ni Duterte na bago pa man tumama ang mga nagdaang bagyo sa bansa, pre-positioned na ang mga ayuda at rescue equipment sa mga lugar na inaasahang tatamaan ng bagyo.

Dinipensahan din ni Duterte ang mga local government units (LGUs) mula sa pamumuna na nagulat ang mga ito sa bagyo, at sinabing sapat ang naging paghahanda ng mga LGU officials para sa pagtama ng mga kalamidad.

Umalingawngaw naman ang usap-usapan tungkol sa pagiging absent ng pangulo sa magkakasunod na kalamidad kaya naging trending sa Twitter ang hashtag #NasaanAngPangulo noong kasagsagan ng Bagyong Rolly at Ulysses. 

Dinipensahan naman ng Malacañang ang pangulo at sinabing “palagi itong kasama ng taumbayan.”

Samantala, inutusan naman ni Duterte ang Department of Budget and Management (DBM) na pabilisin ang paglalabas ng pondo para sa disaster relief alinsunod sa pinsalang idinulot ng magkakasunod na bagyo sa bansa.

Binisita ni Duterte ang Camarines Sur noong Linggo kasama ang mga miyembro ng kanyang Gabinete at idiniing nais niya ang agarang paglalabas ng badyet para sa disaster relief para sa LGUs.

“Kindly move faster kasi kailangan ng tao,” giit ni Duterte.

Ayon naman kay DBM Assistant Sec. Kim Robert de Leon, binibigyang prayoridad ng ahensya ang paglalabas ng National Disaster Risk Reduction and Management Fund sa LGUs, at inaasahang mailalabas ito sa loob ng isang linggo.

LATEST

LATEST

TRENDING