Duterte, hinikayat ang DBM na agarang ilabas ang calamity funds

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte

Hinikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Linggo ang Department of Budget and Management (DBM) na pabilisin ang paglalabas ng nakalaang calamity funds para sa mga komunidad na matatagpuan sa mga rehiyong naapektuhan ng magkakasunod na bagyo.

Sa isang ginanap na briefing sa Pili, Camarines Sur, inutusan ni Duterte ang DBM na pabilisin ang pagproseso ng mga papeles hinggil sa paglalabas ng pondo.

Aniya, “Ang problema lang sa, historically, is that ang government moves slowly especially the national government. So sa ganitong pangyayari, kung mabilisan ninyo, cut the time to something like half or more than.”

Binigyang diin ng pangulo na nagrereklamo na ang mga tao dahil sa pagkaantala ng tulong, kaya kinakailangan ang “mas mabilis na pagkilos”.

“’Yan ang reklamo ng mga tao, especially kung ganito. The time is of the essence, actually. They need to get hold of the things that are needed by them. Maka-access ka agad,” paglilinaw ng pangulo.

Tiniyak din nitong hindi “pabaya” ang gobyerno sa tungkulin nitong magbigay ng agarang rescue, relief, at assistance para sa mga komunidad na sinalanta ng bagyo.

“In so far as the national government is concerned, the reaction of different offices would really matter. Sanay na sila diyan. Do not believe na walang ginagawa ‘yan. Long before the typhoon came, naka-deploy yung pagkain tapos yung tulong,” sabi ni Duterte.

Ayon din kay Duterte, ang pagkaantala sa pagbibigay ng serbisyo ay maaaring dahil sa “complexities” ng trabaho.

Aniya, “If there’s any na pagkukulang, it’s not because of negligence. Sometimes talaga na-o-overload because of the complexity of the job.”

Sinabi nito kay Presidential Adviser for Bicol Affairs Marvel Clavecilla, isang dating RTC judge, na puwede itong tumawag kay Duterte “anumang oras” kung may mga delays hinggil sa pamamahagi ng tulong.

“I need only one person to call me anytime. Si Judge Clavecilla can do it. If there’s any delay, tawagan lang niya ako and we can always do something about your complaint,” giit ng pangulo.

Sa parehong briefing, sinabi naman ni DBM Assistant Secretary Kim De Leon, na unang ipinanukala ng ahensya ang pagkakaroon ng P1.5 bilyong pondo para punan ang mga naubos na calamity funds ng local government units (LGUs) sa mga lugar na apektado ng Bagyong Quinta at Rolly, partikular na sa Calabarzon, Mimaropa, at Bicol Regions.

Sinabi rin nitong pinunan din ng DBM ang National Disaster and Risk Reduction Management (NDRRM) Fund ng karagdagang P10 bilyon matapos manalasa ang Bagyong Ulysses.

“The DBM again augmented the NDRMM Fund by another PHP10 billion at ito po ulit ay puwede pong i-access ng  national government agencies to replenish the respective Quick Response Fund po at para po dun sa mga regular rehabilitation and recovery programs,” paliwanag ni De Leon.

LATEST

LATEST