Mga kongresista, may agam-agam sa pagtatayo ng Dept. of Disaster Resilience: Duterte

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte

Ipinahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Linggo na nagkakaroon ng agam-agam sa Kongreso hinggil sa panukalang pagtatatag ng Department of Disaster Resilience.

Ayon sa pangulo, nababahala umano ang mga mambabatas na baka magkaroon ng pagdodoble-doble sa mga tungkuling naka-mandato na sa iba pang ahensya ng pamahalaan.

“We’re having a resistance. Sa Congress mismo. May iba…doble na daw, a duplication of work. Tama na daw ‘yung isa,” giit ni Duterte.

Gayunpaman, wala naman umano siyang problema rito.

Aniya, “Sa akin ok lang, I can do it in the meantime na maski iyan lang. What is important is that we have the machineries and the equipment, and you have the money and people are there, deployed before the typhoon comes.”

Nagtungo si Duterte sa Cagayan at Legazpi City noong Linggo para suriin ang sitwasyon at magsagawa ng survey tungkol sa lawak ng pinsalang idinulot ng Bagyong Ulysses.

Sa dalawang pagbisita, nakipag-usap ang pangulo sa iba’t-ibang opisyal tungkol sa mga ipinatutupad na hakbang upang matulungan ang mga lubhang sinalanta ng bagyo.

Sa kasalukuyan, iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na 69 katao mula sa anim na rehiyon ang nasawi bunsod ng Bagyong Ulysses.

Ayon kay NDRRMC executive director Ricardo Jalad, ang mga namatay ay nagmula sa Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, Bicol Region, Cordillera Administrative Region, at National Capital Region. Tanging Ilocos Region lamang ang walang naiuulat na anumang casualty.

Ang halaga naman ng pinsalang hatid ni Ulysees sa agrikultura at imprastraktura ay aabot sa ₱1.19 bilyon at ₱469.7 milyon, ayon sa ahensya.

LATEST

LATEST

TRENDING