Duterte, ipinag-utos ang pagbibigay ng active hazard duty pay para sa medical frontliners

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Mahigit dalawang buwan matapos pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11494 o ang Bayanihan to Recover As One Act (Bayanihan 2), makatatatanggap na ang mga medical frontliners ng active hazard duty pay (AHDP) habang nasa gitna ng Covid-19 pandemic.

Ito ay matapos pirmahan ng pangulo noong Lunes ang Administrative Order No. 35 na nag-awtorisa sa pagbibigay ng AHDP sa mga health frontliners.

Sa pagpirma sa nasabing AO, kinilala ni Duterte ang pisikal na pagpasok ng mga human resources for health (HRHs) sa frontlines bilang pagtugon sa kanilang mga tungkulin, at ang pagka-expose ng mga ito sa health risks at hazards.

“National government agencies, government-owned or -controlled corporations and local government units are hereby authorized to grant AHDP up to PHP3,000 per month to frontline HRHs which shall be in addition to any Hazard Pay, Hazardous Duty Pay, Hazard Allowance, Special Risk Allowance or other similar benefits under existing laws, issuances, rules, and regulations, and shall be exempt from income tax,” pahayag ng AO.

Kabilang sa frontline HRHs ay ang mga medical, allied medical, at iba pang personnel sa pampublikong sektor, na kabahagi ng national healthcare response upang mapigilan ang paglaganap ng Covid-19 at mabawasan ang mga namamatay bunsod nito.

Sila ay maaaring maging civilian employees na may regular, contractual o casual positions, na puwedeng full o part-time o contract of service (COS) o (JO), kasama ang duly accredited at registered barangay health workers (BHWs), na naka-assign sa mga ospital, laboratories o medical at quarantine facilities. Ang mga ginagampanang tungkulin ng mga nabanggit na manggagawa ay kaugnay sa healthcare response ng pamahalaan kontra Covid-19.

Sa ilalim ng AO, kinakailangang pisikal na pumasok ang front line HRHs sa kani-kanilang istasyon alinsunod sa prescribed official working hours.

Ang pagbibigay ng Covid-19 AHDP ay magiging pro-rated batay sa bilang ng araw na pumasok ang front line HRHs sa loob ng isang buwan, mula Setyembre 15 hanggang Disyembre 19.

Samantala, ang mga consultants at experts na may limitadong tungkulin na gawin ang ilang aktibidad o serbisyo na may expected outputs; manggagawang naka-kontrata at binabayaran sa piecework basis; student workers at apprentices; at mga indibidwal o grupo ng mga indibidwal na nagtatrabaho sa ilalim ng COS o JO, kabilang ang BHWs, na hindi assigned sa mga ospital, laboratoryo, o medical at quarantine facilities ay hindi kabilang sa pamamahagi ng AHDP.

Ang pondo para sa implementasyon ng nasabing AO ay kukunin mula sa nakalaang P13.5 bilyon sa ilalim ng Bayanihan 2.

Mag-iisyu naman ang Department of Budget and Management, sa pakikipagkoordinasyon sa Department of Health, ng karampatang guidelines para sa epektibong pagpapatupad ng kautusan.

Ang kautusan ay magiging epektibo matapos ilathala sa Official Gazette o sa pahayagang may general circulation.

Noong Marso, inilabas ni Duterte ang AO No. 26 na nagbigay ng Covid-19 hazard pay sa halagang P500 bawat araw para sa mga pampublikong frontliners na pisikal na pumapasok sa trabaho.

LATEST

LATEST