Netizens, umapela ng tulong para sa mga biktima ng matinding pagbaha sa Cagayan

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Kuha ni: Francis Jorque (Cagayan Provincial Information Office)

Hinikayat ng netizens noong Biyernes ang national government, media, at mga kapwa mamamayan na tulungan ang lalawigan ng Cagayan at buong Cagayan Valley, na parehong nalubog sa malalim na baha dahil sa matinding pag-ulang hatid ng Bagyong Ulysses at hanging amihan.

Naging trending ang hashtag #CagayanNeedsHelp sa Twitter, kasama na rin ang #CagayanValleyNeedsHelp, #IsabelaNeedsHelp at #TuguegaraoNeedsHelp, alinsunod sa panawagan ng mga netizens para sa agarang tulong para sa mga residente sa rehiyon.

Ayon sa residente ng Cagayan na si Nicole Irene Torrado, “mas mataas mula sa mga dating nagdaang baha” ang nangyari sa kanilang lalawigan at sa buong rehiyon.

Aniya, “Our local government do not have enough manpower to rescue considering that they have been rescuing since yesterday. Water level is still rising at the moment and the Magat Dam still has gates open. We are in dire need of help as most of the towns are submerged in water higher than their roofs.”

Marami ring netizens sa halos bawat online media platform ang nagsabing “nalulunod ang mga residente habang umiiyak ng tulong ang mga bata.”

Dahil sa mabigat na pag-ulan, kinailangang maglabas ng sobrang tubig ng Magat Dam matapos nitong maabot ang critical level.

Ayon kay Cagayan Gov. Manuel Mamba, “pinalala” nito ang pagbaha sa lalawigan ng Cagayan.

Aniya, “Kaya ngayon po napakataas ng level ng Cagayan River.”

Sinabi naman ng isang disaster management official na naging “Pacific Ocean” ang Cagayan dahil sa matinding pagbahang naranasan sa lalawigan.

“Lahat ng mga munisipyo na tabi ng Cagayan River, ay baha ngayon. Grabe ang baha ngayon sa Cagayan, na-surpass niya ‘yung previous na baha nung 2019,” giit ni Col. Ascio Macalan ng Cagayan Provincial Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).

Mahigit 13,000 pamilya o 47,000 residente sa Cagayan ang lubhang naapektuhan ng mga pagbahang dulot ng Bagyong Ulysses at ng hanging amihan.

Libu-libo pa umano ang kailangang i-rescue, dagdag pa ng opisyal.

LATEST

LATEST