Duterte, dinipensahan ang pagtatalaga kay Sinas bilang PNP Chief

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
PNP Chief Maj. Gen. Debold Sinas

Dinipensahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtatalaga sa kontrobersyal na si Maj. Gen. Debold Sinas bilang bagong pinuno ng Philippine National Police (PNP).

Si Sinas ay pinaulanan ng pambabatikos matapos itong magdaos ng mañanita para sa kanyang kaarawan noong Mayo bagama’t umiiral ang mahigpit na lockdown sa buong Luzon noong panahong iyong.

“This is my call. I take full responsibility but I also guarantee his (Sinas’) competence and expertise in police work,” wika ni Duterte sa isang taped message noong Sabado.

Ayon kay Duterte, na-“pardon” na si Sinas at iginiit na balewala ang kritisismo laban kay Sinas kung ihahambing ito sa katiwalian.

Aniya, “Akin na ‘yun. At kung may kasalanan siya doon, pardon na siya. Wala akong nakitang kasalanan na masama na may moral implications.”  

“Maliit na bagay lang yun… dun ako galit sa mga corrupt,” dagdag pa ng pangulo.

Nagsampa ng reklamo ang PNP Internal Affairs Service laban kay Sinas at sa iba pang mga pulis bunsod ng isinagawang mañanita noong Mayo. Kasalukuyan itong pending sa Taguig City Prosecutor’s Office anim na buwan na ang nakalilipas.

Mula Marso hanggang Mayo, isinailalim ang buong Luzon sa enhanced community quarantine (ECQ), kung saan mariing ipinagbabawal ang anumang uri ng mass gathering.

Mahigit 124,000 quarantine violators ang hinuli batay sa datos noong Oktubre. Karamihan sa mga ito ay binigyan lamang ng warning habang 1,751 namang iba pa ang kasalukuyang naka-detain.

Subalit, iginiit ni Duterte na ang mañanita ay halos isang “religious ritual” para bigyang pugay ang mga pulis sa kanilang kaarawan. Hindi umano dapat panagutin si Sinas sapagkat surprise party ang nangyari.

Aniya, “Nakaugalian na talaga ng mga Pilipino. Hindi kasalanan ng pobreng Sinas na ‘yan, pumunta sila doon e hindi naman niya alam.”

Hinikayat naman ni Sinas ang publiko na mag -“move on” na mula sa iysu upang makapagpokus siya sa kanyang plano bilang pinuno ng PNP sa susunod na anim na buwan.

LATEST

LATEST

TRENDING