Roque: #NasaanAngPangulo, “kalokohan lang ng oposisyon”

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Pangulong Rodrigo Duterte

Hindi dapat kwestyunin ng publiko ang kinaroroonan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong kasagsagan ng Bagyong Ulysses dahil naka-monitor umano ito sa mga updates, giit ni Presidential Spokesperson Harry Roque noong Biyernes.

Ginamit umano ng pangulo ang teknolohiya upang mabantayan ang sitwasyon.

“Hindi naman kailangan gumala-gala para malaman kung anong nangyayari,” ani Roque.

Dagdag pa nito, “Hindi po dapat tanungin nasaan ang Pangulo. Iyan po ay kalokohan lang ng oposisyon.” 

“Ang Presidente po’y hindi nawawala. Palagi po natin siyang kapiling, palagi niya pong iniisip ang kapakanan ng ating mga kababayan,” diin ni Roque.

Pinangunahan ni Duterte ang isang aerial survey matapos itong umani ng batikos hinggil sa umano’y pagiging absent nito habang nananalasa ang bagyo sa Luzon. Ipinaliwanag nito noong Huwebes na nais niyang puntahan ang mga biktima ng bagyo, subalit pinipigilan siya ng kanyang security personnel at doktor.

Unang sinabi ng pangulo na “kontrolado” ng pamahalaan ang sitwasyon.

Noong Huwebes ng umaga, dumalo si Duterte sa isang virtual summit ng Southeast Asian leaders, habang nag-trending naman sa Twitter ang hashtag #NasaanAngPangulo dahil sa umano’y pagiging absent ng pangulo habang rumaragasa si Ulysses sa ilang bahagi ng Luzon.

Agad na umalis si Duterte mula sa nasabing summit. Subalit, sinabi nitong inabisuhan siya aniya ng kanyang doktor at ng Presidential Security Group (PSG) na huwag nang lumabas sa publiko.

“Gusto kong pumunta doon, makipaglangoy nga sa inyo. Ang problema pinipigilan ako, kasi raw ‘pag namatay ako, isa lang ang Presidente,” paliwanag ni Duterte.

Dagdag pa nito, “Ang sabi ko eh may Vice President naman. Wala naman silang sinasagot, nagtitinginan lang sila, tapos ‘Hindi–hindi ka puwedeng mamatay nitong panahon na ito. Kung malunod ka, malulunod kaming lahat na nagtatrabaho sa’yo.”

Noong Oktubre, umalingawngaw din sa social media ang #NasaanAngPangulo matapos ang hindi pagsipot ng pangulo sa isang Cabinet-level briefing tungkol sa Bagyong Rolly, na naghatid ng malawakang pinsala sa ilang bahagi ng Bicol at Southern Luzon.

“May mga nagsabi na walang ginawa, tutulog… wala kaming tulog dito,” diin ni Duterte. 

Hindi bababa sa 14 katao ang binawian ng buhay dahil kay Ulysses. Ilang mga residente rin ang nanatili sa bubong ng kanilang mga tahanan habang naghihintay ng rescue mula sa matinding pagbaha.

“Mayroon pong mga naghintay, pero unfortunately hindi naman instant talaga iyong ating pag-rescue sa kanila. Pero hindi naman po gaanong katagal ang kanilang paghihintay,” wika ni Roque.

Dagdag pa nito, “Susubukan pa rin natin sa mga susunod na pagkakataon lalo pang pagbutihin ang ating disaster preparedness nang makamit natin ang zero casualty.”

LATEST

LATEST

TRENDING