NDRRMC: 12 katao, kumpirmadong patay dahil sa Bagyong Ulysses

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) noong Biyernes na umabot na sa 12 ang nasawi dahil sa pananalasa ng Bagyong Ulysses, kung saan 8 ang sugatan habang 14 ang missing.

Hindi naman nagbigay ng breakdown ang ahensya sa 8 a.m. report nito.

Mas mataas naman ang iniuulat ng bilang ng ibang mga ahensya – isang karaniwang pangyayari matapos ang sakuna, kung saan kinakailangan ang validation ng mga reports.

Sinabi naman ni Interior Secretary Eduardo Año sa isang briefing na ang DILG, kasama na ang iba pang local governments, ay nakapag-validate na 14 katao ang nasawi habang tatlo ang missing bunsod ng paghagupit ni Ulysses.

Ayon naman sa Armed Forces of the Philippines noong Biyernes ng umaga, pumalo na sa 39 ang bilang ng mga nasasawi, habang 40 ang injured at 22 naman ang missing.

Sinabi ni AFP chief Gen. Gilbert Gapay na ang kanyang tally ay nagmula sa mga ulat ng AFP, Bureau of Fire Protection, at Philippine National Police. Nakapag-rekober umano ang mga awtoridad ng mga bangkay sa Bicol, Calabarzon, Metro Manila, Cagayan Valley, at Central Luzon.

Hindi pa naman nava-validate ang mga nasabing datos ng disaster management agency.

Nagkaroon naman ng kalituhan nang tanungin ni Presidential spokesman Harry Roque sa parehong briefing ang DILG na magbigay ng datos, kung saan ang datos ng NDRMMC ang kadalasang ginagamit sa nagdaang mga taon.

Samantala, iniulat naman ng lokal na pulis na limang katao ang nasawi habang anim ang nawawala matapos magkaroon ng landslide sa Banaue, Ifugao noong Huwebes dahil sa Bagyong Ulysses.

Sinabi ng Department of Public Works and Highways sa Cordillera na dalawang engineers kabilang ang kanilang maintenance crew mula Ifugao Second District Engineering Office ang naging biktima ng nasabing landslide.

“It was reported that DPWH Maintenance Personnel were on their way to conduct an inspection and rescue operations amid the torrential rains and massive destruction brought by Typhoon Ulysses yesterday at 5 p.m. when the tragic incident happened,” pahayag ng DPWH-CAR.

Nagpapatuloy pa rin ang search and rescue operations, dagdag pa ng mga opisyal.

Ipinapakita ng huling datos ng NDRRMC na 170,561 katao mula sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Calabarzon, at Mimaropa ang nakaranas ng pagbaha, landslide, at brownouts dahil sa mabigat ng pag-ulan at malalakas na hanging hatid ni Ulysses.

Ayon naman sa Meralco noong 11 a.m. ng Biyernes, mahigit 450,000 na mga kabahayan sa Metro Manila, Rizal, Cavite, Bulacan, Pampanga at Batangas ang nananatiling walang kuryente. Ito ay mas mababa kumpara sa 3.8 milyong nawalan ng kuryente noong Huwebes ng umaga.

Naibalik na aniya ng Meralco ang kuryente sa karamihan ng mga komunidad maliban na lamang sa mga binahang lugar. Ito ay upang tiyakin ang kaligtasan ng kanilang mga empleyado at customers. Agaran umanong kukumpunihin ang mga nasirang pasilidad kapag bumuti na ang sitwasyon.

Samantala, inanunsyo naman ng water concessionaires na Maynilad at Manila Water na magkakarooon ng water supply interruptions dahil sa mga nasirang pasildiad buhat ni Ulysses.

Ayon sa Maynilad, napilitan itong ipahinto ang suplay ng tubig simula Biyernes sa Bulacan, Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela, Quezon City, Manila, Makati, Pasay, Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa, at ilang bahagi ng Cavite.

“We regret that we will not be able to normalize water supply for our affected customers until rains over the Ipo watershed stop, and the turbidity level goes down to manageable levels,” pahayag ng Maynilad.

Inanunsyo naman ng Manila Water na ang mga customers nito sa Marikina City, Pasig City, at bahagi ng Rizal tulad ng Antipolo, San Mateo, at Rodriguez, ay kasalukuyang nakararanas ng water supply cuts dahil sa brownouts, power fluctuations, at pagbaha sa ilan sa kanilang pumping stations.

LATEST

LATEST

TRENDING