Marikina, humingi ng air rescue dahil sa matinding pagbahang dulot ni ‘Ulysses’

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Marikina Mayor Marcelino Teodoro
Larawan mula sa: Marikina PIO Facebook page

Nanawagan si Marikina Mayor Marcelino Teodoro noong Huwebes sa national government para humingi ng tulong sa pag-rescue sa kanyang mga nasasakupang residente matapos palubugin ng Bagyong Ulysses ang nasa 30,000 na kabahayan.

Kinausap umano ng alkalde ang Philippine Coast Guard at national disaster council sapagkat hindi umano sapat ang 50 rubber boats ng lungsod upang makapagsaklolo. Umakyat na rin ang ilang residente sa bubong ng kanilang mga tahanan dahil sa patuloy na pagtaas ng tubig.

Aniya,”Kulang na kulang at marami tayong kababayan na takot na takot ngayon. Yung iba may hypothermia na dahil magdamag nabasa, nahanginan.”

“Air rescue ang kailangan dahil nasa bubong ang mga kababayan natin ngayon,” dagdag pa nito.

Ang lebel ng tubig sa Marikina River ay umakyat sa 21.8 meters, mas mataas sa lebel noong Bagyong Ondoy na 21.5 meters, giit ni Teodoro.

“Ang taas ng baha ay lagpas sa unang palapag ng bahay…Ilang buwan na o taon na hindi kami nakakaranas ng ganitong baha kaya nabigla ang lahat,” sabi ng alkalde.

Ayon sa Marikina PIO Facebook page, umakyat ang Marikina River water level sa 21.9 meters noong 9:37 a.m.

Nagsagawa naman ang lungsod ng preemptive evacuation sa tinatayang nasa 5,000 residente subalit hindi nito inasahang aakyat ang lebel ng tubig nang lagpas sa 18 meters, paglilinaw ni Teodoro.

Aniya, “That’s the reason why many of our residents particularly those residing in areas which are not historically being flooded are stranded at this point in time.”

Ang mga residenteng nangangailang magpa-rescue ay maaaring makipag-ugnayan sa hotline ng Marikina na 161, 0917-584-2168 (Globe) at 0928-559-3341 (Smart.)

LATEST

LATEST

TRENDING