DSWD, dadagdagan ang emergency funds para sa mga biktima ni ‘Rolly’

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Larawan mula sa: Philippine Navy

Inaasahang tatanggap ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mas maraming emergency funds habang patuloy ang paghahatid-tulong ng ahensya sa mga naging biktima ng Bagyong Rolly.

Sinabi ni DSWD Secretary Rolando Bautista na tiniyak umano ng Budget Department na bibigyan sila ng mas maraming quick response funds.

Aniya, “Nag-usap na po kami ni Secretary Avisado at nagpapasalamat po ako sa kanya dahil sinabi po niya na ire-replenish po niya ang Quick Reaction Funds ng DSWD.”

Ang DSWD ay mayroong standby funds, na ginagamit nito bilang Quick Reaction Funds tuwing may emergencies, na aabot sa P226.1 milyon.

Ayon kay Bautista, mayroong available na P184.7 milyon sa Central Office habang ang natitira ay naka-allocate sa iba’t-ibang field offices ng ahensya.

Ninais naman ng ilang senador na i-reallocate ang bahagi ng badyet ng kontrobersyal na anti-communist task force ng pamahalaan para bigyan ng ayuda ang mga biktima ng bagyo.

Subalit, sinabi ni Sen. Sonny Angara na hinikayat sila aniya ng DBM na huwag galawin ang 2021 badyet ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.

Nakapagbahagi na ang DSWD ng ayudang aabot sa P52.4 milyon para sa mga rehiyong lubhang napinsala ng Bagyong Rolly, na ikinasawi ng 25 katao.

Nagbigay din ang ahensya ng mahigit 59,000 food packs at 4,000 piraso ng bottled water.

Binanggit ng kalihim na mahigit 500,000 na pamilya o tinatayang nasa 2 milyong indibidwal ang naapektuhan ng bagyo.

33,000 na kabahayan naman ang tuluyang nawasak habang 128,000 ang bahagyang nasira dahil sa pananalasa ni Rolly.

LATEST

LATEST

TRENDING