Senado, inaprubahan ang panukalang layong taasan sa P5K ang school supplies allowance ng mga guro

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Inaprubahan ng Senado noong Lunes sa pinal na pagbasa ang bill na layon taasan sa P5,000 simula sa susunod na school year ang annual supplies allowance ng mga guro na kabilang sa public basic education.

Kung wala ang nasabing panukala, patuloy na makatatanggap ng P3,600 na school supplies allowance ang mga guto bawat taon, o katumbas ng P16 kada araw, ayon kay Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., na nag-sponsor sa nasabing bill.

Aniya, “Nagbago na ang modalities ng pagtuturo dahil sa pandemiya. Kailangan nating armasan at bigyan ng tamang kagamitan sa pagtuturo ang ating mga guro.”

Bagama’t hindi pa nagpapasa ng bersyon ang Kamara, maaari nang makatanggap ng increased allowance sa susunod na school year ang mga guro, giit naman ni Senate Committee on Finance chair Sonny Angara.

“We included the increase already even if the House has not yet passed the measure,” ani Angara.

Sa ilalim ng 2021 badyet, P4.36 bilyon ang inilaan para sa nasabing allowance, dagdag pa ni Angara.

Nakasaad sa Senate Bill No. 1092 na ang school supplies allowance ng mga guro ay itataas ayon sa susunod na patakaran:

SY 2021-2020 at 2022-2023 – P5,000
SY 2023-2024 – P7,500
SY 2024-2025 – P10,000

“Malaking tulong po itong pagtaas ng allowance ng mga guro sa public schools dahil mas marami silang pangangailangan ngayong may distance learning tulad ng bond paper at internet load, at iba pang mga kagamitan,” pahayag naman ni Senate Committee on Higher Education chair Joel Villanueva.

Dagdag pa ng senador, “Ang dagdag allowance… ay pagsisiguro na sapat ang gamit ng mga guro para maturuan nang maayos ang ating mga mag-aaral.”

Noong 2019, nagpasa rin ng parehong panukala ang Senado, subalit hindi ito naisabatas matapos hindi makapagpasa ng bersyon ang Kamara hinggil dito.

“We are a step closer to realizing a better work environment for our teachers, but we are cognizant of the tremendous demands of this profession,” sabi ni Revilla.

Dagdag pa nito, “There are still a lot of things that need to be done to uplift and improve the welfare of our teachers.”

Noong Setyembre, nangako naman ang Department of Education na bibigyan nito ang mga public school teachers ng hiwalay na P1,500-allowance ngayong taon para sa kanilang medical expenses at bilang incentive sa paggunita ng World Teachers’ Day.

LATEST

LATEST

TRENDING