Bagong hepe ng NCRPO, pinangalanan

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Police Brig. Gen. Vicente Danao, Jr.

Kinumpirma ni Interior Secretary Eduardo Año noong Martes na si Police Brig. Gen. Vicente Danao, Jr. ang magiging susunod na hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Papalitan ni Danao si Maj. Gen. Debold Sinas, na siyang itinalagang susunod na pinuno ng mahigit 200,000 na hanay ng Philippine National Police (PNP).

Si Danao, pinuno ng Calabarzon police regional office, ay kabilang sa tatlong pangalan na inendorso noon ni Año kay Pangulong Rodrigo Duterte upang maging susunod na PNP chief.

Mula sa nasabing listahan, pinili ni Duterte si Gen. Camilo Cascolan, na nagretiro noong Martes matapos ang dalawang buwan sa puwesto.

Tutungtong naman si Sinas sa mandatory retirement age na 56 sa Mayo 2021.

Samantala, may halos dalawang taon pang natitira si Danao sa serbisyo at nakatakda itong magretiro sa Agosto 2022.

Unang nanungkulan si Danao bilang Davao City police chief bago ito ma-appoint bilang pinuno ng Manila Police District noong 2019.

LATEST