Pinaigting na suporta sa LGUs, mas maganda kaysa pagtatayo ng bagong ahensya sa disaster response: Rep. Fernando

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Kuha ni: Edd Gumban (Philstar)

Ipinahayag ng isang mambabatas na isa ring experienced disaster responder na mas makabubuti kung ibibigay ng pamahalaan ang pondo nang direkta sa mga local government units (LGUs) sa halip na magtayo pa ng Department of Disaster Resilience o DDR.

Ayon kay Rep. Bayani Fernando ng Marikina first district, dapat mas paigtingin ang depensa ng mga LGUs sapagkat nagsisilbi ang mga ito bilang frontliners tuwing may kalamidad, at mas episyente ito kumpara sa pagtatayo ng panibagong ahensya.

Aniya, “Sa pagkakataon na ‘to, palagay ko naririyan naman ang mga departamento natin. Meron na tayong mabuting balangkas na tumutugon dito sa pangangailangan na ito. Baka mamaya’y magkaroon na naman ng extra gastusin natin.”

“Dapat ipukol natin ang ating pansin sa mga lokal na pamahalaan na siya ang talagang nakatutok diyan at siyang maaasahan natin sa anumang oras. Iyang mga disaster management na ‘yan, ‘yung mga preparation na ‘yan, prevention ay hindi kaya ng isang departamento, ‘yan ay pagtutulong-tulong ng lahat, ” dagdag pa nito.

Paulit-ulit na sinuportahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtatatag ng isang bagong Cabinet-level agency hinggil sa usaping ito.

Noong Setyembre, ipinasa ng Kamara ang House Bill 5989 sa ikatlong pagbasa kung saan layunin nitong magtaguyod ng isang “unified command system.” Paplanuhin aniya ng DDR ang disaster risk reduction management and response projects upang maibsan ang epekto ng mga natural at man-made disasters.

Sa kasalukuyan, ang typhoon monitoring ay isinasagawa ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) habang ang earthquake at volcano monitoring naman ay ginagawa ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS). Ang dalawang ahensya ay parehong nasa ilalim ng Department of Science and Technology (DOST).

Samantala, ang emergency response ay responsibilidad ng Office of Civil Defense. Ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) naman ang nakikipagkoordinasyon para sa mga relief at recovery efforts ng pamahalaan.

Ayon kay Fernando, ang local government response ang magiging pinakaepektibong solusyon dahil dapat alamin ng mga bayan, lungsod, at lalawigan ang kani-kanilang mga teritoryo.

Sa kaso ng Marikina, napilitang maglagay ang mga awtoridad ng early warning systems dahil sa Bagyong Ondoy noong 2009 upang masubaybayan ang lebel ng tubig sa Marikina River pati na rin ang pagtatayo ng three-story evacuation centers para sa low-lying areas.

Mahalaga rin aniya ang paglalagay ng signaling at public communication systems.

LATEST

LATEST